Mahigit 100 armas at pampasabog ang nakuha ng mga pulis sa compound ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quezon City.
Nasamsam ang matataas na kalibre na baril at bomba sa siyam na oras na operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang abandonadong gusali sa loob ng compound na pagmamay-ari ng INC sa No. 36 Tandang Sora Avenue sa Barangay Culiat.
Ayon kay QCPD director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, nag-ugat ang operasyon sa hiling ng mga opisyal ng INC na linisin ang nasabing lugar matapos nilang salakayin ang gusaling inookupahan ng magkapatid na Angel Manalo at Lottie Manalo-Hemedez at iba pang itiniwalag na miyembro ng INC noong Marso 2.
Aniya, nag-report sa Talipapa Police Station (PS-3) ang INC at sinabing mayroon pang matataas na kalibre ng baril at bomba sa loob ng isa sa mga abandonadong gusali, 50 hanggang 70 metro ang layo mula sa sinalakay nilang gusali kung saan sila unang nakakuha ng matataas na kalibre ng baril.
Sa natanggap na ulat ng pulisya mula sa mga opisyal ng simbahan, ang abandonadong gusali ay dating tinitirhan ni Hemedez. Ayon pa umano sa mga opisyal, sila "were afraid" na ikapahamak ito ng ibang residente ng nasabing compound.
Isang grupo mula sa PS-3, na sinamahan ng mga opisyal ng Barangay Culiat, nagtungo ang mga church representative at Net25, sa tinutukoy na gusali dakong 3:00 ng hapon nitong Miyerkules. Natapos ang operasyon bandang 12:35 ng umaga kahapon. (Vanne Elaine P. Terrazola)