080317_Senate Perfecto Yasay_02_Ganzon_PAGE 2 copy

Mas mainam daw na lumayas na lamang bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Perfecto Yasay nang hindi kumpirmahin ng Commission on Appointment (CA) ang kanyang posisyon.

Si Yasay ang kauna-unang cabinet member sa administrasyon ni Pangulong Duterte na nabigong makapasa sa CA dahil na rin sa isyu ng kanyang citizenship.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, dapat nang lumayas si Yasay, at kung mapatunayang nagkasala ay hindi na rin ito puwedeng makakuha pa ng anumang pwesto sa gobyerno at kapag na-reject na ng CA, hindi na puwedeng muling italaga pa.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“He’s been rejected, he was just rejected, he will have to vacate. The President should appoint even in an active capacity. Meron namang succession, eh, there’s a senior undersecretary who can take over,” ani Lacson.

Sinabi ni Lacson na sa maikling panahon simula nang maitalaga bilang Foreign Affairs secretary, may iba’t ibang malalaking isyung kinasangkutan si Yasay na kumukuwestiyon sa kakayahan nito.

Isa sa mga ito, ayon kay Lacson ay kung na-revoke nga ba ang US citizenship na ipinagkaloob dito noong Nobyembre 1986 sa pamamagitan ng affidavit na ibinigay noong 1993 na nagpapaliwanag ng mga pangyayari para hindi ito maging eligible at mawalan ng karapatan na magkaroon ng US citizenship.

Ayon pa sa senador, hindi naging matapat si Yasay nang tanungin kung inisyuhan ba ito ng Filipino at US passports sa sabay na panahon, at kung ginagamit ba ito o hindi ang American passport simula 2007 hanggang 2009, noong panahon na hindi na ito US citizen.

Ayon kay Lacson, halata naman na nagsisinungaling si Yasay dahil hindi makasagot nang diretso sa mga tanong.

‘I AM SORRY’

Nauna nang humingi ng paumanhin si Yasay sa CA hindi sinasadyang pagligaw niya sa Commission tungkol sa kanyang US passport.

Sinabi ni Yasay na nang itanggi niya ang iniisyung US passport sa kanyang confirmation hearing noong Pebrero 29, ang iniisip niya ay ang alegasyon ng Rappler tungkol sa passport na iniisyu sa kanya noong 2006 na patuloy niyang itinanggi sa kawalan ng personal na kaalaman.

Pero sa televised interview nitong Lunes, kinumpirma ni Yasay na nagkaroon siya ng US passport pero iginiit na hindi siya American citizen.

Samantala, nagpahayag ang DFA na iginagalang nito ang desisyon ng CA sa pag-reject sa ad interim appointment kay Yasay, at hinihintay na ng kagawaran ang itatalaga ng Pangulo bilang bagong foreign affairs chief.

Sa isang maikling pahayag na inilabas kahapon, sinabi ni DFA Spokesperson Charles Jose na ang kagawaran “(will) ensure that the transition will go smoothly” at magpapatuloy ang kanilang pagtupad sa tungkulin.

(Leonel Abasola, Hannah Torregoza at Roy Mabasa)