UMAASA ang marami na sa pagbabalik ng Operation Tokhang (Oplan Tokhang 2), matapos itong suspendihin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagkakasangkot ng mga tiwaling pulis sa katarantaduhan, pag-abuso at pangingidnap sa ngalan ng Oplan Tokhang na naging Oplan For Ransom, hindi na ito magiging madugo at malupit na sa araw-araw ay may 10 o higit pa ang binabaril at napapatay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Tiniyak ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na ang binuhay na Oplan Tokhang o giyera sa illegal drugs ay hindi magiging katulad ng unang operasyon na parang binigyan ng lisensiya ang PNP na pumatay ng mga drug dealer, pusher at user na kanilang nakikita sa lansangan, kalye at barung-barong.

Noong Lunes, inihayag ni Gen. Bato ang bagong kampanya laban sa illegal drugs ng bagong grupo (Drug Enforcement Group) ng mga pulis na mangunguna sa paglaban sa drug pushers at users. Ayon sa report, ang DEG ay pangungunahan ni Sr. Supt. Graciano Jaylo Mijares, PNP Region III deputy director for administration. Papalitan ng DEG ang Anti-illegal Drugs Group (AIDG) na binuwag kasunod ng pagkakasangkot ng ilang opisyal at tauhan nito sa “Tokhang For Ransom”. Dinukot at hiningan pa umano ng P5 milyong ransom si Korean businessman Jee Ick-Joo kahit ito ay pinatay na mismo sa loob ng Camp Crame na ilang metro lang ang layo sa White House ni Gen. Bato.

Napahiya si PDu30 sa pagdukot sa Koreano at humingi siya ng apology sa South Korean government, sa mga mamamayan nito at sa biyuda ni Jee Ick-Joo. Ipinabuwag niya kay Bato ang PNP-AIDG at sinuspinde ang Oplan Tokhang. Iniutos din ni Mano Digong kay Dela Rosa ang paglilinis at pagpupurga sa PNP organization upang mapatalsik ang mga tarantado, salbahe at mangingidnap na mga tauhan nito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa paglulunsad ng bagong Oplan Tokhang 2, sana naman ay iwasan na ang walang patumanggang pagbaril at pagpatay ng mga pulis sa pinaghihinalaang pushers at users. Bigyan sila ng pagkakataon na sumuko at ma-rehabilitate. Huwag agad babarilin sa katwirang nanlaban. Hindi naniniwala ang taumbayan na nanlaban ang mga pusher at user sa mga pulis sapagkat batid nilang high-powered firearms ang dala-dala ng mga ito sa kanilang buy-bust operations at walang kalaban-laban ang kanilang pupugak-pugak na .cal 38 revolver.

Naniniwala si National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. na mga komunista pa rin ang pangunahing banta sa seguridad ng bansa. “Ang komunismo pa rin ang numero unong banta. Nais ng mga komunista na baguhin ang way of life ng mga Pilipino. Nais nilang ipilit ang kanilang pamamaharaan kahit sila ay outdated o laos,” sabi ni Esperon. Siya ay naging AFP chief of staff noong panahon ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo at naging presidential adviser on the peace process din.

Ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ay itinatag ni Jose Ma. Sison (Joma) noong 1968.

Ayon sa militar, may 30,000 Pilipino ang namatay sa layunin ng CPP-NPA na maitumba ang gobyerno ng Pilipinas at sila ang maluklok sa kapangyarihan. Para kay Esperon, bukod sa komunismo, ang iba pang banta sa seguridad ay illegal drugs, extremism, terrorism, kurapsiyon, secessionism at ang destabilization sa Duterte administration.

Naipasa na sa Kamara sa pangalawang pagbasa ang death penalty bill, pero nagtataka ang mga Pilipino kung bakit hindi isinama sa parusang kamatayan ang plunder (pandarambong sa pera ng bayan), rape at treason o pagtataksil sa bayan.

Naniniwala ang taumbayan na malabnaw ang death penalty bill sapagkat tanging mga krimen na may kaugnayan sa illegal drugs ang papatawan ng parusang kamatayan. Bakit masyadong obsessed o hibang na hibang ang administrasyon at Kamara sa usapin ng illegal drugs? (Bert de Guzman)