OAKLAND, Calif. (AP) – Tinuldukan ng Boston Celtics ang two-game skid sa impresibong pamamaraan at laban sa NBA leading team Golden State Warriors, 99-86, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Oracle Arena.
Dikdikan ang laban ng Celtics at Warriors sa unang tatlong quarter na nagbunga nang anim na palitan ng bentahe, anim na pagtabla bago nakuha ng Golden State ang 74-72 nang maisalpak ni Steph Curry ang buzzer-beating three pointer sa pagtatapos ng third period.
Nanatiling dikit ang laban sa unang apat na minuto ng final period bago kumawala ang Celtics sa 15-0 run tampok ang back-to-back three-pointer ni Jae Crowder para sa 93-79 bentahe may 4:00 ang nalalabi.
Nagbaba ng 5-0 run ang Warriors, ngunit kaagad na nakasagot si Avery Bradley ng jumper at naisalpak ni Isaiah Thomas ang dalawang free throw mula sa krusyal steal para sa 97-84 bentahe may 1:36 ang natitira sa laro.
Nanguna si Thomas sa naiskor na 25 puntos para sa Celtics (41-24), habang nag-ambag si Kelly Olynyk ng 17 puntos mula sa bench at tumipa sina Bradley at Al Horford ng 12 at 10, puntos ayon sa pagkakasunod.
Hataw sina Klay Thompson at Curry sa Warriors (52-11) na may 25 at 23 puntos, ayon sa pagkakasunod.
JAZZ 115, ROCKETS 108
Sa Houston, ratsada sina Rudy Gobert at Gordon Hayward sa naiskor na tig -23 puntos sa panalo ng Utah Jazz kontra Rockets.
Hataw si James Harden sa nakubrang 35 puntos para sa Rockets, nagtamo ng ikalawang sunod na kabiguan.
Tila sarado ang rim ng Rockets sa three-point range (8-of-32) para maputol ang 18 game winning streak kung nakakasikor sila ng 103 puntos pataas.
RAPTORS 94, PELICANS 87
Sa New Orleans, naitala ni Jonas Valanciunas ang 25 puntos at 13 rebound para sandigan ang Toronto Raptors laban sa Pelicans.
Hindi nakabalik sa New Orleans si All-Star forward Anthony Davis sa second half bunsod nang injury sa kaliwang kamay na natamo nang tumama sa rim matapos ma-fouled ni Normal Powell sa alley-oop play sa second quarter.
Nanguna si DeMarcus Cousins sa Pelicans sa nahugot na 25 puntos at 10 rebound.
TIMBERWOLVES 107, CLIPPERS 91
Sa Minneapolis, ginapi ng Timberwolves, sa pangunguna ni Karl-Anthony Towns na kumubra ng 29 puntos at 14 rebound, ang Los Angeles Clippers.
Nag-ambag si Andrew Wiggins ng 20 puntos at kumana si Ricky Rubio ng 15 puntos, 12 assist at anim na rebound.
Nanguna si DeAndre Jordan na may 20 puntos at 13 rebound, habang nagsalansan si Blake Griffin ng 16 puntos para sa Clippers. Kumubra si Chris Paul ng 10 assist at nalimitahan sa pitong puntos mula sa malamyang 3-for-9 shooting.
SPURS 114, KINGS 104
Sa San Antonio, nakopo ng Spurs ang ikasiyam na sunod na panalo at ika-50 ngayong season nang pabagsakin ang Sacramento Kings.
Ratsada si Manu Ginobili sa natipang 19 puntos, habang kumana si David Lee ng 18 puntos at 10 rebound.
Nanguna si Tyreke Evans sa Kings sa season-high 26 puntos.
Sa iba pang laro, pinataob ng Milwaukee Bucks ang New York Knicks, 104-93; tinusta ng Miami Heat ang Charlotte Hornets, 108-101; pinabagsak ng Orlando Magic ang Chicago Bulls, 98-91; dinakit ng Atlanta Hawks ang Brookyln Nets, 110-105; at diniskaril ng Indiana Pacers ang Detroit Pistons, 115-98.