Binaril at napatay ang isang ‘di pa nakikilalang lalaki na nagtangka umanong sumaksak sa mga pulis na umaaresto sa kanya sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Patay na nang maisugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang suspek na tinatayang nasa edad 30-34, nasa 5’3” ang taas, payat, nakasuot ng camouflage na shorts at nakahubad baro.

Sa ulat ni PO3 Ricky Magpale, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 10:30 ng gabi ay nakatanggap ng reklamo ang mga nagpapatrulyang tauhan ng Lawton Police Community Precinct (PCP) hinggil sa pagwawala ng isang lalaki sa P. Burgos Street, papuntang Finance Road-Taft Avenue.

Sa pagresponde nina PO2 Josue Ledesma at PO1 Reymart Cuvinar ay namataan umano nila ang suspek na tinututukan ng patalim ang mga taong kanyang nasasalubong.

'Sa wakas dumating din!' Jack Argota, natanggap na 'subpoena' mula sa NBI

Nilapitan umano nina Ledesma at Cuvinar ang suspek at hinikayat na i-surrender sa kanila ang patalim, ngunit sa halip na ibigay ang patalim ay bigla na lamang umano silang tinutukan kaya napilitan si Cuvinar na barilin ito.

(Mary Ann Santiago)