HALA, inamin na ni Joseph Marco na unti-unti nang nahuhulog ang loob niya kay Maja Salvador na leading lady niya sa Wildflower.
At hindi raw ito pang-promo lang ng teleserye nila.
Ngayon lang daw kasi lubusang nakikilala ni Joseph si Maja dahil nga magkasama sila sa seryeng napapanood sa hapon bago mag-TV Patrol.
Kuwento ni Marco nang makatsikahan namin sa celebrity screening ng Pwera Usog ng Regal Entertainment, Inc., “She’s very beautiful, saka sobrang sipag niyang magtrabaho. Makikitaan mo talaga na pursigido siya, sobrang driven niyang tao, sino ba naman ang hindi magkakagusto sa kanya?”
Natawa si Joseph nang sabihin naming, ‘ganyan ang mga type mong babae, di ba, tulad ni Maja?’ at hindi nakasagot ang aktor dahil halatang natumbok.
Naku, Maja hayan may nabitag ka na sa alindog mo sa personal na buhay at hindi dahil isa kang wildflower.
Anyway, hindi na kinukuwestiyon ngayon ang acting ni Joseph. Kaya na rin niyang gumawa ng horror films at hindi siya nagpakabog kina Albie Casino at Kiko Estrada na nagpakitang-gilas sa Pwera Usog kasama sina Sofia Andres, Cherisse Castro at Devon Seron mula sa direksiyon ni Jason Paul Laxamana. (REGGEE BONOAN)