HINDI ang seryeng ginagawa ni Gabby Concepcion sa GMA Network at lalong hindi ang mismong istasyon ang dahilan kung bakit may kalabuang matuloy ang reunion movie nila ni Sharon Cuneta.
Plantsado na sana ang comeback movie ni Sharon sa Star Cinema na si Gabby pa ang magiging leading man. Walang problema sa kampo ni Ate Shawie na nagpapayat na nga pero ang kampo naman ni Gabby ang may anu-anong mga kadahilanan.
Pero nang magpasya na raw si Gabby at pumayag nang gawin ang reunion movie nila ni Sharon, ikinagulat ng mga taga-Star Cinema ang napakataas na talent fee ng aktor.
“Ang hindi lang namin maintindihan, kung kailan, plantsado na ang lahat at pumayag na si Gabby na gawin ang pelikula ay saka naman humirit ng napakalaking idinagdag sa talent fee niya,” sey ng source naming abs-cbn insider.
Dapat daw ay last January pa naumpisahan ang shooting nina Sharon and Gabby at sa May naman sana ang playdate.
Sa naturang source rin namin nalaman na ikinalungkot daw nang husto ni Sharon ang hindi pagkakatuloy ng pelikula.
“Nasira na ang plano ni Sharon. Siyempre, hindi mo siya masisisi. Nag-effort na siyang magpapayat para sa pelikulang ‘yan ‘tapos magkakaproblema lang pala dahil sa talent fee lang ni Gabby,” sey pa ng kausap namin.
Samantala, maganda ang suggestion ng maraming tagahanga ng Megastar na kung hindi raw puwede si Gabby, puwedeng-puwede namang maging leading man ni Sharie si Robin Padilla.
In fairness, nasa record na blockbuster din ang tambalan nina Sharon at Robin. (Jimi Escala)