Hindi nagdalawang-isip ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na arestuhin ang isang college student dahil sa umano’y pagkuha ng mga sensitibong impormasyon, gaya ng username, password at credit card, mula sa mga customer ng isang bangko sa Isabela.
Iniharap kahapon ng NBI ang suspek na kinilalang si Christian Ian Salvador, 22, computer science student ng Isabela State University sa Cauayan, Isabela.
Dahil sa kanyang ilegal na gawain, sinabi ng NBI na nakabili si Salvador ng bagong Toyota Vios, Honda Beat, motorsiklo at mga gadget.
Inaresto si Salvador ng pinagsanib na puwersa ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD), NBI Isabela District Office, at Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime nitong Marso 3 sa kanyang apartment sa Cauayan.
Dinala na si Salvador sa DoJ nitong Sabado para sa inquest proceedings kaugnay ng mga kasong kinasasangkutan gaya ng “misuse of devices under Section 4(a)(5)(ii) of Republic Act 10175, the Cybercrime Prevention Act of 2012; unauthorized processing of personal information under RA 10173, the Data Privacy Act of 2012, in relation to Section 6 of RA 10175; and unauthorized possession of access device under Section 9(k) of RA 8484, the Access Device Regulation Act of 1998, in relation to Section 6 of RA 10175.” (Jeffrey G. Damicog)