MAS marami pa rin ang naaliw at nanood sa mga programa ng ABS-CBN nitong nakaraang Pebrero.

 

Base sa resulta ng television viewership survey ng Kantar Media, nangunguna pa rin nationwide ang ABS-CBN sa average audience share na 44% kumpara sa 35% na nakuha ng GMA.

 

Rhian Ramos nagpatakam ng choco cookies habang nakabikini

Namamayagpag pa rin sa No. 1 slot ang FPJ’s Ang Probinsyano sa average national TV rating na 37.9%, pumangalawa ang Your Face Sounds Familiar Kids (36.8%) at pangatlo ang Wansapanataym (32.5%). 

 

Hindi bumibitaw ang bayan sa serye ni Coco Martin na gabi-gabing may aksiyon at nagpapalaganap ng kamalayan ng manonood sa iba’t ibang krimeng nangyayari.

 

Patuloy namang umaantig ng puso ang ibinabahaging karanasan ng letter senders sa Maalaala Mo Kaya (30.7%) at ang mga teleseryeng My Dear Heart (27.4%) at Wildflower” (21.5%). Patuloy na binabago ni Heart (Nayomi Ramos) ang buhay ng pusong bato at sakim sa kapangyarihang si Dra. Margaret Divinagracia (Coney Reyes) habang si Ivy (Maja Salvador) naman ay hahamunin ang pusong mapaghiganti ng pag-ibig na mararamdaman sa pinakabatang Ardiente na si Diego (Joseph Marco).

 

Tinalo rin ng My Dear Heart ang pinakabagong primetime offering ng GMA na Destined To Be Yours na pumalo lang sa average national TV rating na 19.6%. Ang pilot telecast nito noong Pebrero 27 ay nakakuha ng 20.2% nationwide habang ang My Dear Heart ay pumalo sa 29.1% nang gabing iyon.

 

Pasok din sa top 20 programs ang katatapos lang na Doble Kara (19%) ni Julia Montes kasabay ang paborito ng mga manonood tuwing weekend na Home Sweetie Home (25.1%), Goin Bulilit (24.5%), Rated K (19.3%), Ipaglaban Mo (19.1%), at It’s Showtime (Saturday) (18.8%).

 

Nanatiling most watched newscast ang TV Patrol (30.2%) hindi lang sa weekdays kung hindi pati rin weekends sa TV Patrol Weekend (18.5%).

 

Samantala, namayagpag ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks, partikular na sa primetime (6PM-12MN) sa nakuha nitong 47%, 13 puntos ang lamang sa 34% ng GMA.

 

Ang ABS-CBN din ang naghari sa iba pang lugar sa bansa noong Pebrero. Sa Total Balance Luzon, nagtala ang Kapamilya network ng average national audience share na 45% kumpara sa GMA na may 38%; sa Total Luzon sa parehistro nito ng 40% kumpara sa GMA na may 37%; sa Total Visayas na may 52% kumpara sa 30% ng GMA; at Total Mindanao na may 53% laban sa 31% ng GMA.