Nanindigan si Senate Minority Leader Franklin Drilon na mananatiling kontra ang minorya ng Senado, o ang mga Liberal Party (LP) senator, sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

Ayon kay Drilon, determinado ang LP at ang mga kapanalig nito na sina Senators Risa Hontiveros at Antonio Trillanes IV na kontrahin ang death penalty sa Mataas na Kapulungan.

Aniya, kung sa Kamara ay conscience vote ang LP, sa Senado ay party vote naman ang sinusunod.

Gayunman, sinabi ni Senator Bam Aquino, deputy minority leader, na desidido ang minorya na kumbinsihin ang kanilang mga kapwa senador na nasa mayorya na bumoto kontra sa kontrobersiyal na panukala.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa botong 217-54-1, pumasa sa Kamara nitong Martes ang House Bill No. 4727 o ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga nag-angkat, gumawa at nagbebenta ng ilegal na droga.

“The numbers are closer in the Senate but still unclear how it would go. The minority is taking a firm position on blocking the re-imposition of the death penalty but we will need some of our colleagues from the majority to successfully vote this down,” sinabi ni Aquino kahapon nang hingian ng komento.

“The minority votes clearly aren’t enough but I’m hoping there will be enough senators to vote this measure down.

This should be a conscience vote and not done because of political affiliations,” dagdag ni Aquino.

KAHANGA-HANGANG MGA KONGRESISTA

Pinuri rin niya ang 54 na kongresista na bumoto kontra sa panukala, sa kabila ng banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez na tatanggapin sa posisyon ang sinumang boboto ng ‘no’ sa pagbabalik ng death penalty.

“Kahanga-hanga ang kanilang katapangan at matibay na paninindigan laban sa death penalty,” sabi ni Aquino. “Nabigo man sila, hindi pa tapos ang laban dahil inaasahan nating dadaan ang panukala sa butas ng karayom sa Senado.”

Tinawag naman ni Senator Leila de Lima na “gangster type” ang pananakot ni Alvarez sa mga kapwa kongresista na hindi tatalima sa isinusulong nitong pagpapasa sa HB 4727.

Sang-ayon naman si Senate President Pro Tempore na dapat pagdebatehan nang maigi ang panukala, habang naniniwala naman si Trillanes na hindi ito makalulusot sa Senado.

“Malabong maipasa ‘yan sa Senado,” saad sa text message kahapon ni Trillanes.

INT’L JURISTS NANAWAGAN

Samantala, kinondena naman ng International Commission of Jurists (ICJ) ang pagpasa ng panukala sa Kamara, at nanawagan sa Senado na mariing tutulan ang pagbabalik ng parusang kamatayan, na tinawag nitong banta sa karapatang pantao.

“The passage of the death penalty bill in the Philippine House of Representatives represents a turning point in the country, but one that is for the worse. It puts the Philippines in direct conflict with its international legal obligations,” sabi ni Emerlynne Gil, Senior International Legal Adviser for Southeast Asia ng ICJ.

Sa kabila nito, umaasa ang Malacañang na makapagpasa rin ang Senado ng panukala na nagbabalik sa death penalty.

“We trust the bill will also be passed in the Senate considering that it is a vital tool in the Duterte administration’s war on drugs and criminality,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

(LEONEL M. ABASOLA, HANNAH L. TORREGOZA, ELENA L. ABEN at GENALYN D. KABILING)