PINATAOB ng defending champion Ateneo ang Far Eastern University, 25-16, 25-9, 25-18, upang maiposte ang ikawalong sunod na panalo sa pagsisimula kahapon ng second round ng UAAP Season 79 men’s volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nagtala ng 14 hit, dalawang block at tatlong service aces si Marck Espejo upang pamunuan ang nasabing pagkopo ng Blue Eagles ng unang panalo sa ikalawang round matapos mawalis ang unang round.

Nagdagdag si Karl Irvin Baysa ng 13 puntos sa panalo na nagbaba sa Tamaraws sa barahang 5-3.

Wala naman kahit isang manlalaro ang Tamaraws na pinangunahan ni Greg Dolor na may pitong puntos ang nagtapos na may double-digit.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

"I'm happy that my players played well today. Pinaghandaan namin talaga ang game na ito kasi alam naman natin mabigat ding kalaban ang FEU, " pahayag ni coach Oliver Almadro.

Nauna rito, nagtala ng 18 puntos si John Millete, habang kumana ng 16 puntos si Gerald Valbuena upang pamunuan ang University of the Philippines sa pagwalis sa De La Salle, 25-21,25-23,25-17.

Dahil sa panalo, umangat ang Maroons sa patas na barahang 4-4 habang bumaba naman ang Green Spikers sa markang 2-6.

(Marivic Awitan)