PINAIGTING ng tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang opensiba nito laban sa Abu Sayyaf sa Sulu. Napatay na ng militar ang 17 bandido, kabilang ang dalawang kaanak ng Abu Sayyaf leader na si Radullan Sahiron, habang 18 sundalo naman ang nasugatan, inihayag ng AFP nitong Sabado.
Pinaigting ng tropa ng militar ang kanilang operasyon laban sa Abu Sayyaf sa kabundukan ng Sulu, gayundin sa Basilan at Tawi-Tawi makaraang matagpuan ang labi ng bihag na German na si Jurgen Kantner sa Sitio Talibang, Barangay Buanza sa Indanan, Sulu. Pinugutan siya nitong Pebrero 26, 30 minuto makalipas ang palugit ng teroristang grupo sa hinihingi ng mga itong P30-milyon ransom. Natagpuan ang labi ng dayuhan, Sabado ng gabi, sa Indanan.
Nais sana nating mabalitaan ang tungkol sa pinaigting na opensiba ng militar laban sa Abu Sayyaf bago ang pamumugot kay Kantner. Nakaapekto marahil ito — may posibilidad — sa mga bandido at nagawa sanang mailigtas ang Aleman sa karagdagang mga araw. Ngunit hindi nga ito ang nangyari at naulit na naman ang naganap noon.
Sinasabing hawak pa rin ng teroristang grupo ang 21 iba pang dayuhang bihag mula sa iba’t ibang bansa. Anumang araw ngayon ay mababalitaan na naman natin ang panibagong banta ng pamumugot at bagong palugit sa pagbabayad ng ransom, na muling tutugunan ng gobyerno sa karaniwan nang pahayag nito na ang pagbabayad ng ransom ay labag sa polisiya ng pamahalaan. Muling paiigtingin ang operasyon ng militar, partikular kung ang pupugutan ay dayuhan, gaya ng dalawang Canadian na dinukot sa Samal Gulf noong 2015 at ng German na si Kantner na hinarang at tinangay mula sa kanyang yate habang naglalayag sa Sabah noong Nobyembre.
Determinado ang mga hakbangin ng gobyerno upang maisapinal ang isang kasunduan sa mga pangunahing grupo ng mga rebelde sa Mindanao, gaya ng New People’s Army (NPA), ng Moro National Liberation Front (MNLF), at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Inaasahang magpapatuloy ang usapang pangkapayapaan sa NPA sa pamamagitan ng National Democratic Front, habang ang MNLF at MILF ay magkakaroon ng rehiyong may awtonomiya sa ilalim ng federal na sistema ng pamahalaan na isinusulong ng administrasyong Duterte.
Maiiwan sa pakikipaglaban ang mas maliliit na grupong rebelde, gaya ng Abu Sayyaf, na ipinangako ng AFP na dudurugin nito sa loob ng anim na buwan. Ang pamumugot kay Kantner ay isang malaking kabiguan para sa Sandatahang Lakas, ngunit patuloy tayong umaasa na maisasakatuparan nila ang anim na buwang palugit, gaya ng kung paano nila ito tiniyak kay Pangulong Duterte.