Nasawi ang apat na pulis, habang nasugatan naman ang isa pa, makaraan silang pagbabarilin nang malapitan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Davao del Sur, kahapon ng umaga.
Apat ding rebelde ang napatay naman ng militar sa hiwalay na bakbakan sa bayan ng San Francisco sa Quezon nitong Martes.
Ayon sa report ng Davao del Sur Police Provincial Office (DSPPO), dakong 7:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Barangay Sibayan, Bansalan, Davao del Sur.
Sinabi ni Lt. Col. Harold Argamosa, commander ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army, na magreresponde sana ang mga pulis sa insidente ng pagpatay umano ng mga rebelde nang tambangan sila ng mga ito.
Kinilala ang mga napatay na sina PO1 Rolly Benelayo, PO1 Joe Narvasa at PO1 Saro Mangutara, pawang operatiba ng Bansalan Municipal Police; at PO3 Hayden May Raden, ng Digos City Police Forensics Unit.
Kaagad na nasawi ang apat na pulis sa ambush site, habang isinugod naman sa ospital ang nasugatang si PO3 Allen Amado.
Nasamsam ng mga awtoridad sa lugar ng ambush ang mga hindi sumabog na improvised explosive device (IED) at mga bala ng matataas na kalibre ng baril.
AMANOS LANG!
Samantala, apat na rebelde ang napatay ng mga operatiba ng 2nd Jungle Fighter Company (2JFC) ng 85th Infantry Battalion (85IB) sa Sitio Umagos, Barangay Mabunga, San Francisco, Quezon province.
Ayon kay Major General Rhoderick Parayno, Second Division commander ng Philippine Army, inaalam pa nila ang pangalan ng mga nasawing NPA member, na natagpuan nila ang mga bangkay dakong 2:00 ng hapon nitong Martes.
Narekober din sa lugar ng labanan ang dalawang AK 47, isang M16 rifle at isang M203, ayon kay Gen. Parayno.
(FER TABOY at DANNY ESTACIO)