ZAMBOANGA CITY – Tatlong hinihinalang terorista at isang leader ng kidnap-for-ransom group (KFRG) ang napatay at nasamsaman ng matataas na kalibre ng armas at mga bala sa magkahiwalay na operasyon sa Lanao del Sur at Zamboanga del Sur.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Commander Major General Carlito G. Galvez, Jr., nagsasagawa ng combat operations ang 14th Division Reconnaissance Company nang makaengkuwentro ang nasa 30 terorista na kumikilos sa ilalim ng isang Kumander Afgan sa Barangay Ragayan, Poona Bayabao, Lanao del Sur nitong Martes.

Sinabi ni Gen. Galvez na tumagal ng 45 minuto ang sagupaan, na ikinamatay ng tatlong miyembro ng grupo, batay sa bangkay na natagpuan sa lugar ng labanan.

Nasamsam din ng Joint Task Force ZamPeLan ang tatlong M14, isang Garand, isang M16 na nakakabitan ng M203, isang RPG na may tatlong bala, dalawang improvised explosive device, dalawang Garand magazine, isang M16 magazine, isang Rohner Group Solar na may battery, at tatlong bandoleer.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa Zamboanga del Sur, napatay ang leader ng kilabot na KFRG sa 30-minutong engkuwentro sa pulisya at militar sa bayan ng Lapuyan nitong Lunes.

Kinilala ni AFP-WestMinCom Spokesman Capt. Jo-Ann Petinglay ang napatay na si Fahad Andi, pinuno ng Andi group, most wanted sa Region 9.

Dalawang pulis ang nasugatan sa nasabing sagupaan.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang isang .45 caliber pistol, isang magazine na may dalawang bala, isang PRB 423 fragmentation grenade, camouflage uniform ng pulisya at iba pang gamit. (Nonoy E. Lacson)