Inaasahan na ang pagpapatupad ng smoking ban sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.

Ito ay matapos tiyakin ng Malacañang ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Executive Order (EO) na magpapatupad sa nationwide smoking ban.

Kinumpirma kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na kahapon ng umaga pa nasa mesa ni Pangulong Duterte ang nirebisang draft ng EO mula sa Department of Health (DoH).

“It will be signed as soon as the President comes to the office. The revision was already submitted at 8 a.m. this morning (Martes) to the Office of the Executive Secretary and then — and and then it will be signed as soon as the President comes back,” sabi ni Abella.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, sa isang ambush interview kagabi ay humingi siya ng karagdagang panahon bago lagdaan ang EO.

Una nang inihayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol na desidido na ang Presidente na lagdaan ang draft ng EO na inihanda ng DoH.

Dumalo sa pulong ng Gabinete nitong Lunes ng hapon, binanggit ni Piñol na sinabi mismo ni Pangulong Duterte kay Health Secretary Paulyn Ubial na wala na itong babaguhin sa draft ng EO.

Sa pahayag ni Piñol nitong Lunes ng gabi, sinabi niyang lalagdaan ni Pangulong Duterte ang EO sa nationwide smoking ban nitong Martes (Marso 7).

Ang ipatutupad na smoking ban ay gaya ng ordinansang umiiral sa Davao City na nagbabawal sa paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar. (BETH CAMIA)