CLEVELAND (AP) – Wala pang isang minuto ang itinagal ng playing career ni Andrew Bogut sa Cleveland Cavaliers.
Nagtamo ng ‘broken leg’ ang seven-footer na Australian may 58 segundo ang nakalilipas sa kanyang debut game sa kampo ng Cavaliers – ang koponan na tumalo sa dati niyang grupo na Golden State Warriors sa nakalipas na season – matapos makabanggaan si Miami forward Okaro White.
Sa opisyal na pahayag ng Cleveland management, hindi na ibinalik si Bogut sa laro na pinagwagihan ng Miami, 106-98.
Lumagda ng kontrata si Bogut sa Cavaliers nitong nakalipas na Linggo matapos siyang i–waive ng Philadelphia 76ers kung saan nai-trade siya ng Dallas Mavericks.
Nasa ika-12 season NBA ang 32-anyos na si Bogut, ang top overall pick noong 2005 NBA Draft.
Inaasahan ng Cavaliers na makatutulong si Bogut sa inside game bunsod ng karanasan nito bilang miyembro ng 2015 NBA champion Golden State Warriors. Miyembro rin si Bogut ng Australian team na sumabak sa tatlong Olympics.
Binitiwan siya ng Warriors bago magsimula ang season bilang bahagi ng pagbabago sa pagdating ni Kevin Durant. Nitong Lunes, ipinahayag ni Bogut na walang personal na vendetta sa Warriors ang kanyang pagpayag na lumaro sa Cavaliers.
"Everyone's going to try to ramp up that story -- nice try -- it's one of those things.I don't hold any grudges and moved on and I'm in a good place, and we'll see how,” aniya.