SANTA IGNACIA, Tarlac – Isang nagpanggap na empleyado ng Globe Telecom ang naaresto sa entrapment operation ng pulisya sa Santa Ignacia, Tarlac.
Sa ulat kay Chief Insp. Ernie Guarin, hepe ng Santa Ignacia Police, kinilala ang inaresto na si Jayson Agustin, 24, ng Barangay Carael, Camiling, na sinasasabing humihingi ng pera kay Mary Grace Navarro, 19, dalaga, college student, ng Bgy. Baldios, Santa Ignacia.
Batay sa report, nagpanggap si Agustin para magkabit ng Internet sa bahay ni Navarro at sunud-sunod ang naging paniningil ng mga bayarin makaraang magbayad ng P10,000 ang biktima para sa koneksiyon at sa modem.
Humingi pa umano si Agustin ng karagdagang P7,000 kaya nagpasya si Navarro na makipag-ugnayan sa Globe hanggang makumpirma niyang hindi konektado sa kumpanya ang suspek. (Leandro Alborote)