SA kanyang pagtatalumpati sa pinag-isang sesyon ng Kongreso ng Amerika nitong Martes, nanawagan si United States President Donald Trump ng isang trilyong-dolyar na programa upang muling pasiglahin ang tinawag niyang “crumbling infrastructure” ng Amerika. Inihayag niyang hihilingin niya sa Kongreso na aprubahan ang isang batas na lilikha ng $1 trillion — sa parehong pampubliko at pribadong kapital — upang isaayos ang mga kalsada, tulay, paliparan at iba pang pampublikong imprastruktura ng Amerika.
Aniya, gumastos ang Amerika ng $6 trillion sa Gitnang Silangan, marahil tinutukoy niya ang mga digmaan sa Iraq at Afghanistan na wala pa rin namang naging resulta dahil nananatiling bigo ang mga pagsisikap na pairalin ang seguridad at katatagan sa rehiyon, una laban sa mga mapaniil na rehimen, at kalaunan, kontra sa mga puwersang jihadist, gaya ng Islamic State at Taliban. Sa nakalipas na mga taon, aniya, napabayaan ang mga imprastruktura ng Amerika.
Ngunit ang pangunahing dahilan sa ambisyosong programa sa imprastruktura ay ang pagnanais ni President Trump na lumikha ng mga trabaho para sa mga Amerikano. Ito ang naging sentro ng kanyang apela sa mga botante noong nangangampanya siya sa pagkapangulo. Sinabi niya noon na ibabalik niya sa Amerika ang operasyon ng mga Amerikanong kumpanya na nasa ibang bansa para magkaloob ng maraming trabaho para sa kanyang mamamayan.
Sa parehong dahilan, sinabi niya noong nangangampanya, ay magpapataw siya ng mga buwis sa pag-aangkat ng mga dayuhang proyekto upang protektahan ang mga manufacturer sa Amerika. Tatanggihan niya ang mga kasunduan sa malayang kalakalan kung sa palagay niya ay mas pumapabor ito sa kaunlaran ng komersiyo at industriya ng ibang mga bansa, habang nagdurusa naman ang mga nasa Amerika.
Isa rin ang imprastruktura sa mga pangunahing programa ng administrasyong Duterte sa Pilipinas, na isasakatuparan ng Department of Public Works and Highways at ng Department of Transportation, na may pinagsamang pondo na P850 bilyon, alinsunod sa 2017 National Budget.
Gagawing moderno ang ating mga kalsada at tulay, mga paliparan at pantalan, at magtatayo rin ng mga pinakakinakailangang gusaling pampaaralan at mga ospital. Ngunit mas higit na importante para sa maraming tao ay ang katotohanang magkakaloob ang mga ito ng trabaho sa milyun-milyong mamamayan. Ang mga trabaho ang unang malaking hakbangin sa pagresolba sa matagal nang pinoproblemang kahirapan sa bansa.
Maaaring sinisimulan na ring planuhin ng ating mga opisyal ang iba pang mga programa, gaya ng paghimok sa pagbubukas ng mas maraming pabrika ng mga consumer product, pagpapasigla sa produksiyon ng agrikultura, at paghikayat ng mas maraming dayuhang pamumuhunan — na pawang lilikha ng mas maraming trabaho para sa mamamayan.
Inihayag ni US President Trump ang kanyang plano para sa trilyun-trilyong dolyar na halaga ng mga imprastruktura upang magkaloob ng maraming pagkakakitaan sa mga Amerikano. Dapat na gawin din ito sa Pilipinas — kung saan napakahalagang masolusyunan ang problema sa kawalan ng trabaho — at simulan nang ikasa ang mga proyekto na tututok sa pagkakaloob ng mas maraming hanapbuhay para sa mga Pilipino.