MALIWANAG na ang paghina ng kapangyarihan ng Amerika ay magkakaroon ng epekto sa pandaigdigang pulitika.
Sa paningin ng ilang iskolar, ang paghina ng Estados Unidos ay magbubunga ng kawalan at lilikha ng panganib para sa komunidad ng mga bansa.
Hindi ako sang-ayon dito. Una, humina man ang impluwensiya ng Amerika ay patuloy pa rin itong gaganap ng malaking papel sa pulitika at ekonomiya ng daigdig.
Ang magbabago ay ang larangan ng relasyong pandaigdig. Nakikita natin ang dumaraming hamon sa liderato ng Estados Unidos dahil sa paglakas ng Russia at China.
Dahan-dahang pumoposisyon ang Russia bilang isang pangunahing manlalaro sa Gitnang Silangan. Nagkaroon ito ng malaking impluwensiya sa digmaang sibil sa Syria at binago ang relasyon nito sa Turkey.
Naalala ko na noong Arab Spring, ang mga pagbabago sa Gitnang Silangan ay nagbunga ng mga suliranin para sa ating mga overseas Filipino worker (OFW), isang adbokasiya na malapit sa aking puso.
Ang Arab Spring ay hindi nagbunga ng demokrasya sa rehiyon. Sa halip, naging mabuway ito at naging hinog para sa extremism, at ito naman ang ginagamit ng Russia upang mapalakas ang impluwensiya sa Gitnang Silangan.
Ganito rin ang ginagawa ng China. Inilunsad nito noong 2016 ang Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB), na sinasabing isang bagong multilateral financial institution na naglalayong tipunin ang mga bansa upang lutasin ang malaking pangangailangan sa imprastruktura sa Asya. Marami ang naniniwala na ito ang paraan ng China upang isulong ang posisyon na maging isang pandaigdig na lider na hahamon sa US.
‘Tila maging ang European Union (EU) at North Atlantic Treaty Organization (NATO) ay inaasahan na ang isang bagong rehiyon na wala ang tradisyunal na kaalyado sa kabilang ibayo ng Atlantic Ocean. Ngayong pinagtutuunan ni Pangulong Donald Trump ang polisiyang “America First” at pagiging dakilang muli ng Amerika, nararapat pag-isipan ng EU at NATO ang pagbabago ng alyansa sa hinaharap.
Ito ang dahilan kung bakit isinulat ko sa nakaraan na hindi nabibigyan ng kaukulang kredito si Pangulong Duterte sa pagpapanibagong-anyo ng polisiyang panglabas ng Pilipinas upang ituon hindi lamang sa pakikipag-relasyon sa US kundi maging sa Russia, China at mga kalapit-bansa sa Asya.
Pinili ng mga kritiko na pagtuunan ng pansin ang makulay na pananalita ng Pangulo sa halip na tingnan ang kanyang matalinong pagmamaniobra sa polisiyang panglabas na naninindigan sa malayang polisiya at mas malawak na pakikipagrelasyon sa ibang bansa batay sa paggalang at sobarenya.
Isa pang ibinunga ng paghina ng US ay ang pagdami ng mga hamon sa demokrasya na istilong-kanluranin at inimporta lamang mula sa Amerika.
Bahagi ng trabaho ng US bilang pulis ng daigdig ay ang pagpapatupad sa buong daigdig ng American values, kabilang ang demokrasyang tatak-Amerikano.
Halimbawa, ang demokrasya ng Pilipinas ay “made in the US,” na... sa kasalukuyan ay kinukuwestiyon ng marami. Hindi ko sinasabing hindi mahalaga ang demokrasya; ang sinasabi ko ay kung walang superpower na magluluwas ng kanilang uri ng demokrasya, mabibigyan ng pagkakataon ang mga bansa gaya ng Pilipinas na magpasya kung anong uri ng demokrasya ang bagay sa kanila. Ito ang “demokratisasyon” ng demokrasya.
Ang paghina ng impluwensiya ng Amerika ay magkakaroon din ng epekto sa tinatawag na “Washington consensus,” na tumutukoy sa malayang ideya sa pamilihan at sinusuportahan ng mga prominenteng ekonomista at organisasyon gaya ng IMF, World Bank, EU at US.
Ang “Washington consensus” ay umiiwas sa malaking fiscal deficit, at nagtutulak sa reporma sa buwis, liberalisasyon ng kalakalan, pagsasapribado at deregulasyon. Ito ang nagbigay ng kahulugan sa ating polisiya sa ekonomiya batay sa kaugnayan nito sa ating utang sa labas.
Mananatili kaya ang naghaharing pilosopya sa ekonomiya ngayong pinalalakas ng China ang kanyang ekonomiya at impluwensiya sa pamamagitan ng AIIB? Magpapakilala kaya ang China ng bagong pilosopiya sa ekonomiya?
Dahil sa mga tanong at hamon sa nakatatag na ideya at gawain, at sa pagbangon ng mga bagong rehimen, maaaring magkaroon tayo ng alalahanin sa hinaharap.
Nakapagdudulot ng pag-aalala ang pagbabago, ngunit maaari rin itong magbigay ng mas mabuting paraan ng pagtingin at pakikitungo sa daigdig. Unawain natin at pakibagayan ang mga pagbabagong ito sa halip na itakwil nang tahasan.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)