ASINGAN, Pangasinan - Nalansag ng pulisya sa Asingan, Pangasinan ang isang umano’y sindikato ng carnapping na nagbebenta rin ng mga nakaw na hayop.
Sinalakay kahapon ng mga tauhan ng Asingan Police ang bahay ni Cristina Ballicud, 37, sa Barangay Poblacion sa bisa ng isang search warrant, at bumulaga sa mga pulis ang ilang motorsiklo at maraming kambing na hinihinalang pawang nakas.
Kinumpirma ni Chief Insp. Junmar Gonzales, hepe ng Asingan Police, na naaresto nila si Ballicud matapos halughugin ang bahay nito, simula 7:20 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang pitong motorsiklo, tatlong tricycle, 30 kambing, limang sachet ng hinihinalang shabu, .22 caliber revolver na kargado ng bala at mahigit P400,000 cash.
Ayon kay Senior Insp. Reynante Organista, deputy chief of police ng Asingan, ibinabagsak sa bahay ni Ballicud ang mga nakaw na hayop na kalaunan ay ibebenta. Sangkot din umano sa carnapping ng motorsiklo ang grupo ni Ballicud, ayon sa pulisya. (Liezle Basa Iñigo)