ISANG bagong anti-illegal drug unit ang binuo ng Philippine National Police (PNP) na sasabak sa muling pagbabalik ng OPLAN TOKHANG na sa pagkakataong ito ay sinisiguro umano ng mga awtoridad na hindi magiging “madugo” dahil hindi na makakasama sa mga operasyon ang mga tiwaling pulis.
‘Di ko naman napigilang matawa sa narinig kong reaksiyon mula sa mga nadaanan kong pedicab driver na nagkumpulan at pinag-uusapan ang headline ng isang tabloid hinggil sa “Bloodless Tokhang” na ipinahayag ni PDG Ronald “Bato” dela Rosa, chief PNP – “Kuwento mo na lang ‘yan pagong, General Bato!” Ang magkakasabay nilang sigaw sabay punit sa diyaryong binabasa.
Nasasakyan ko ang nagpupuyos nilang mga damdamin. Bakit nga ba hindi sila magkakaganoon, karamihan sa 7,000 napatay sa Oplan Tokhang ay mga kabaro nilang “isang kahig, isang tuka” lamang na karamihan ay natuksong pumasok sa bisyong ito dala ng kagustuhang takasan ang gutom at kahirapan, o kaya nama’y dala ng pangakong madaling pagkita ng pera, kapalit ng lakas ng loob na pagtutulak ng mga ipinagbabawal na gamot. Karamihan sa kanila nagsisuko sa magandang pangako sa hinaharap na idudulot umano ng Oplan Tokhang - ngunit tumimbuwang pa rin makaraan lamang ang ilang araw o linggo na hindi man lang natikman ang ninasang pagbabago sa kanilang buhay.
Pareho lang kami ng paniniwala ng mga driver na ito, at sa palagay ko ay karamihan din sa inyong mga nagbabasa ng pahayagang ito – na kahit ano pang pagbabago ang gawin ng pamunuan ng PNP para balutan ng pabango ang naging madugong Oplan Tokhang ay mananatili itong umaalingasaw sa baho dulot ng walang patumanggang pagpatay na umabot sa mahigit 7,000 sa loob lamang ng halos 7 buwan ng administrasyong ito.
Mantakin ninyo, sa loob ng 20 taong nasa ilalim ng martial law ang Pilipinas ay umabot lang sa 3, 240... ang naging biktima ng tinatawag na “extrajudicial killings” o EJK, kumpara sa nagaganap sa ngayon…nakakikilabot isiping gaano pa kayang karaming bangkay ang titimbuwang sa mga kalye at kalsada sa buong kapuluan kung tatagal pa ng ilang taon ang “Tokhang” na ito ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Bato, na gaano man ka-sincere sa kanyang trabaho ay kitang-kita namang pinapaikot lamang ng mga tiwali at ambisyosong opisyal ng PNP at mga pulitiko na nakapaligid sa kanya.
Bigyan niyo muna kami ng sampol ng inyong tunay na pag-iimbestiga – ilantad ninyo sa amin ang resulta ng mga pulis na mga nabuking o nahuling gumagawa ng mga pagpatay na ang ginagamit na cover story ay Oplan Tokhang – p’wede naman ‘di ba? Marami na ito at ‘di na kailangang isa-isahin ko pa rito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)