Nananatiling tikom ang bibig ni Philippine National Police Director-General Ronald “Bato” dela Rosa sa akusasyon ng isang retiradong Davao City police officer na siya ay sangkot sa operasyon ng kung tawagin ay Davao Death Squad (DDS).

Sa isang panayam kahapon sa Quezon City Police District headquarters sa Camp Karingal, sinabi ni Dela Rosa na “no comment” siya sa alegasyon ni dating SPO3 Arturo Lascañas na nagkatrabaho sila sa dalawang operasyon ng DDS noong siya pa ang hepe ng Davao City Police.

“Let’s leave it to the Senate since their investigation is ongoing. If I will be called to appear, we might pre-empt their investigation. So, no comment for the meantime,” ani Dela Rosa.

Ayon kay Lascañas, nakipag-ugnayan siya kay Dela Rosa sa pagpatay sa isang Taiwanese KTV bar owner at sa wanted na si Feliciano Cunanan, Jr., alyas “Sergeant Sese.”

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ayon pa sa founder ng DDS, ipinag-utos ni dating Davao mayor at ngayo’y Pangulong Duterte na patayin ang mga kasamahan ni Cunanan ngunit pinigilan lamang ito ni Dela Rosa.

“Huwag mong ituloy, kawawa naman sila,” pahayag ni Dela Rosa, ayon kay Lascañas.

Inamin ni Dela Rosa na alam niyang pulis sa Davao si Lascañas, gayunman, hindi umano niya ito ganoon kakilala gaya ng naging pahayag nito.

“I knew him when I became city director of Davao (City), but during the early part of my career I never knew him. He was never assigned under me,” sambit ni Dela Rosa.

ANG PAGBABALIK NG TOKHANG

Nabanggit ni Dela Rosa ang pagsuporta ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa “less bloody” drug war ngunit sinabi niyang hindi naman kinakailangang samahan ng mga pari ang mga pulis sa operasyon.

“Maraming criticism na nanggaling sa kanila, for me naman, in order to appease them, make them see the real operation, inimbitahan ko sila. Mahirap naman ‘yung sige sila sa pag-criticize na hindi nila alam ‘yung real na nangyari sa ground. Ngayon pinasama natin sila sa Oplan Tokhang... para makita nila paano kinausap ‘yung drug personality at paano kinumbinsi (na mag-surrender),” kuwento ni Dela Rosa.

Idinagdag din ni Dela Rosa na ang presensiya ng mga opisyal ng simbahan ay makatutulong nang malaki sa tagumpay ng kampanya.

“Kung may presensya ng Church kahit na mga adik mga ‘yan naniniwala pa din sa Diyos yan,” aniya.

Umaasa ang PNP chief na makausap ang CBCP upang mabigyang-linaw ang mga isyu at mahikayat na makiisa sa kampanya laban sa droga.

“Sana naman merong konting tiwala na naiwan sa kanilang puso para sa amin,” pagtatapos ni Bato.

(Vanne Elaine P. Terrazola)