Dalawang hinihinalang kasapi ng Maute terror group na sangkot din sa bentahan ng droga ang napatay, habang dalawang sundalo naman ang malubhang nasugatan makaraang manlaban ang mga suspek sa pagdakip sa mga ito sa Maguing, Lanao del Sur kahapon.
Kinilala ng Maguing Municipal Police ang mga napatay na sina Cairodin Anto at Pango Anto, kapwa ng Barangay Bato-Bato, Maguing.
Ayon sa pulisya, nanlaban ang mga suspek sa pagsalakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng pulisya at ng 103rd Brigade ng Philippine Army.
Kapwa may arrest warrant ang dalawa, na sangkot sa pagbebenta umano ng droga para sa teroristang grupo ng Maute, na kinikilalang tagasuporta ng Islamic State, ayon sa pulisya.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang M16 rifle, magazine ng M14 rifle, dalawang rifle grenade, iba’t ibang bala at apat na sachet ng hinihinalang shabu. (Fer Taboy)