Ginagamot ngayon sa ospital ang 11 katao makaraang bumaligtad ang sinakyan nilang pampasaherong jeep sa Tabuk City, Kalinga, kahapon.
Batay sa imbestigasyon ng Tabuk City Police Office (TCPO), sumabog ang kanang gulong sa harapan ng jeep na minamaneho ni Rosalino Ampok, 39, ng Balbalan, Kalinga habang binabagtas ang Sitio Taniok, Barangay New Tanglag, Tabuk City.
Habang mabilis ang andar, humagis ang jeep bago sumalpok sa kongkretong pader at tuluyang bumaligtad.
Nagtamo ng mga grabeng sugat sa ulo at katawan ang biktima, kabilang ang tatlong menor de edad, na kaagad isinugod ng Bureau of Fire Protection (BFP) rescue team sa Kalinga Provincial Hospital at Almora General Hospital.
Nakapiit na si Ampok sa himpilan ng Tabuk City Police, at kakasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple injuries. (Fer Taboy)