Naghain ng apela ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa Supreme Court (SC), umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), na isaalang-alang na muli ang desisyon nito na tanggihan ang kanyang kahilingan na ibasura ang election protest ni dating Senador Ferdinand Marcos Jr.
Nagsumite si Atty, Romulo Macalintal, abogado ni Robredo, ng motion for reconsideration, at hiniling sa SC na muling pag-isipan ang desisyon nitong pahintulutan ang protesta sa halalan ni Marcos.
Sa 22-pahinang mosyon, ikinatuwiran ng abogado na si Marcos ay“did not specifically point to poll irregularities” na sinabi nitong nangyari sa “662 municipalities and component cities.”
“Kung mayroon mang masasabi na sapat na alegasyon sa kanyang protesta, hindi ito lalagpas sa 57 lugar,” ani Macalintal.
Tinanggihan ng SC ang kontra protesta ni Robredo na ibasura ang election case na inihain ni Marcos.
Ipinoprotesta ni Marcos ang mga resulta ng halalan sa iba’t ibang probinsiya na binubuo ng 662 munisipalidad at 2,537 clustered precinct mula sa limang lungsod. (Raymund F. Antonio)