ISULAN, Sultan Kudarat – Habang patuloy na inaantabayanan ang pagpapalaya sa dalawang sundalo na bihag ng New People’s Army (NPA), nanawagan ang dalawa na itigil na ng militar ang opensiba nito laban sa kilusan at ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF).
Batay sa audio message na ibinahagi ni Senior Insp. Bernard Francia, tagapagsalita ng Crisis Management Council ng Columbio, Sultan Kudarat, malinaw na buhay pa ang dalawang kasapi ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ang panawagan ng dalawang bihag na sundalo ay napakinggan sa audio message na ibinahagi ni Senior Insp. Francia.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Columbio Vice Mayor Edwin Bermudez na malaki ang posibilidad na mapalaya na ang dalawang bihag, batay na rin sa negosasyong pinangungunahan ng grupo ni Bishop Collins Bagaforo. (Leo P. Diaz)