IDINEKLARA noong Enero ng International Center for the Settlement of Investment Disputes (ICSID) ng World Bank na ilegal ang pagkansela ng gobyerno ng Pilipinas noong 2011 sa P18-bilyon flood control project ng isang kumpanyang Belgian, ang Laguna Lake Rehabilitation Project. Inatasan nito ang gobyerno ng Pilipinas na bayaran ang kumpanyang Belgian, ang Baagerwerken Decloedt En Zoon (BDZ), ng P800 milyon — na ipinuhunan nito sa bansa kasama na ang interest simula 2011.
Ang pagkansela sa kontrata ay sinasabing desisyon ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III, na diskumpiyado sa anumang kasunduang pinasok ng noon ay katatapos pa lamang na administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Nanindingan si Belgian Prime Minister Yves Leterme sa integridad ng proyekto, tinukoy ang pagtiyak ng isang independent engineering firm na tunay na makatutulong ang proyekto “to alleviate flooding, improve local transportation infrastructure, and increase water capacity.” Ngunit nabalewala ang kanyang apela at kinansela ng gobyerno ng Pilipinas ang kontrata, na nagbunsod upang sumalang sa pandaigdigang korte ang kaso.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Quezon Rep. Danilo Suarez, pinuno ng minorya sa Kamara de Representantes, na dapat na muling silipin ng pamahalaan ang Laguna de Bay project, dahil nananatili hanggang ngayon ang mga problemang tinangkang resolbahin ng proyekto, at sa katunayan ay lumala pa nga.
Alinsunod sa proyekto, huhukayin at palalalimin ang Laguna de Bay upang mapag-ibayo ang kakayahan nitong saluhin ang maraming ulan sa mga lugar na nakapaligid sa lawa, sa layuning maibsan ang pagbabaha sa mga bayan at munisipalidad na nakapalibot doon. Maaaring hukayin din ang Napindan Channel, ang daanan ng lawa patungong Manila Bay sa pamamagitan ng Pasig River, na makalilikha ng karagdagang daluyan, at maisasaayos ang mga wetland sa paligid ng lawa.
Magagamit din ang nahukay na lupa mula sa kailaliman ng lawa upang makapagtayo ng mga lupain na mapagtatayuan ng mga waste-water treatment facility. Ang 90,000-ektaryang fresh-water lake ay maaaring pagkuhanan ng malinis na tubig sa lugar.
Dinesisyunan ng pandaigdigang korte ang kaso makalipas ang pitong taon. Ngunit ang usapin ay hindi tungkol sa pagkabigong legal ng bansa, ayon kay Congressman Suarez. Nabahiran ang reputasyon ng bansa bilang isang maaasahang katuwang sa pamumuhunan. At sa mga nakalipas na taon na umusad na nilitis sa korte ang kaso, tuluy-tuloy namang tumaas ang antas ng polusyon sa Laguna Lake at nananatiling banta ang pagbabaha sa mabababang lugar.
Sa harap ng mga dahilang ito, hinimok ni Congressman Suarez ang administrasyong Duterte na muling buhayin ang Laguna de Bay project at maglunsad ng panibagong negosasyon sa BDZ, na sinasabing isa sa pinakamalalaki at pinakarespetadong kumpanya sa industriya ng paghuhukay sa mundo, na ang kahusayan ng serbisyo ay walang dudang nasubukan na sa loob ng 150 taon.
Makatutulong din ang isang bagong proyekto upang mabawi natin ang ating ugnayan sa mga dayuhang mamumuhunan, gaya ng BDZ. Subalit ang higit na mahalaga ay ang pangangailangang linisin ang Laguna de Bay, maibsan ang pagbabaha sa dalampasigan nito, at idebelop ito bilang pinagkukunan ng malinis na tubig para sa mamamayan.