CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Anim na katao ang nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang araruhin ng humaharurot na trailer truck ang isang nakaparadang motorsiklo at isang bahay sa Tabaco City, Albay, nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ni Chief Insp. Arthur Gomez, tagapagsalita at hepe ng investigation division ng Albay Police Provincial Office (PPO), ang mga nasawi na sina Albert Baroga y Begino, 27; Jasmine Boringot y Hanolan at anak nitong si Clark, 4, pawang taga-Barangay Soa, Malinao; Orlando Campo y Banadera, 49, ng Bgy. Del Rosario, Naga City; Rommel Nantes y Mendinilia, 27, ng Bgy. Laglag, Camalig; at James Romero y Lopez, ng Bgy. Palanog, Camalig.

Sugatan naman sina Jason Bonganay y Almonte, 28; Daniel Bonganay y Serrano, 57; at Jeffrey Bonganay y Almonte, 32, pawang taga-Purok 1, Bgy. Quinastillojan, Tabaco City.

Sinabi ni Senior Insp. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, na batay sa imbestigasyon ng Albay PPO, dakong 2:30 ng hapon at mabilis na tinatahak ng truck, na may kargang metal sheet pile at minamaneho ni Campo, ang highway sa Bgy. Quinastillojan nang bumangga ito sa nakaparadang motorsiklo.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Ang motorsiklo ay minamaneho ni Baroga, angkas ang mag-inang Boringot.

Matapos salpukin ang motorsiklo, dumiretso na ang truck sa bahay ng mga Bonganay.

Dead on arrival sa Ziga Memorial Hospital ang lahat ng sakay sa motorsiklo at sa truck, habang sa Bicol Regional Teaching and Training Hospital naman ginagamot ang magkakaanak na Bonganay. (NIÑO LUCES at FER TABOY)