UPANG umakit pa ng mas maraming diver na bibisita sa Pilipinas, nakibahagi sa unang pagkakataon ang Department of Tourism sa dive show sa Bologna, Italy na dinaluhan ng mahigit 200 top-level exhibitor sa buong mundo.
Dumalo ang Department of Tourism sa European Dive Show 2017, na idinaos nitong Marso 3-5, upang hikayatin ang tinatayang 350,000 aktibong diving population sa Italy kabilang ang free divers, ang underwater photographer, at ang iba pang nahuhumaling sa diving.
Umaasa rin ang kagawaran na makapagtatatag ng partnership sa iba pang mga ahensiya ng turismo, mga underwater photography club at mga dive tour operator.
Inihayag ng Tourism Undersecretary at nanguna sa delegasyon ng Pilipinas na si Kat de Castro ang kanyang excitement na maging bahagi ng event at kumpiyansang maipakikita ang mga dive product ng bansa bilang “incredible.”
Sinabi ni De Castro na ang Pilipinas, bilang isang dive site, ay may maipagmamalaking “veritable smorgasbord of sites that appeal to the different preferences of the amateur and professional divers.”
Ibinahagi rin niya na matatagpuan ang Pilipinas sa “heart of the Coral Triangle.”
Sa karagdagan, tiwala si De Castro na ang ‘More Fun’ na tatak ng bansa ay magpapalakas din sa kabuuang karanasan pagdating sa turismo.
Tampok sa tatlong araw na palabas ang mga presentasyon na nagtatampok sa lalim at lawak ng biodiversity ng Pilipinas, sa pangunguna ng mga kilalang underwater photographer sa mundo na sina Marcello di Francesco, Pietro Cremone, at Erik Karl Goossens.
Nagtungo ang mga bisita sa booth ng Pilipinas para maranasan ang Underwater 360 interactive tours sa tulong ng virtual reality technology.
Kabilang sa delegasyon ng Pilipinas ang mga opisyal ng National Association of Diving Operators of Italy at Diving Equipment Association of Italy. Ang Team Dive Philippines ay binubuo nina Gerry Panga, ng Department of Tourism-London, Rita Doctor at Gary Politico ng Department of Tourism-Central, at mga kinatawan ng Buceo Anilao, Asia Holidays at H20 Viaggi. (PNA)