Napatay ng mga pulis ang isang lalaking itinuturong nangholdap sa isang security guard matapos manlaban sa follow-up operation habang arestado naman ang kanyang kasabwat sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Jericho Austria, alyas “Ikong”, 23, ng Building 9, Temporary Housing, Tondo at ang inaresto ay si John Paul Laquindanum, 20, ng Building 20, Permanent Housing, Tondo.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), bandang 1:15 ng madaling araw ikinasa ang operasyon sa Building 18 ng Temporary Housing.

Bago ito, nagtungo sa tanggapan ng MPD-Station 1 si Ireneo Velagio, 54, guwardiya, ng 24 F. Santos Street, Santolan, Malabon City upang ireklamo ang panghoholdap sa kanya ng tatlong lalaki sa Nicholas Zamora St., Tondo, dakong 4:30 ng madaling araw nitong Marso 4.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

Kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang awtoridad at pagdating sa lugar ay namataan agad nila si Austria na mabilis na bumunot ng sumpak at pinaputukan ang mga pulis bago tumakbo palayo.

Hinabol ng mga pulis si Austria ngunit muli umano silang pinaputukan kaya napilitan na si PO1 Berly Apolonio na magpaputok na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.

Samantala, hindi na nakapalag sa awtoridad si Laquindanum habang pinaghahanap pa ang isa pa nilang kasabwat.

(Mary Ann Santiago)