MADAM SECRETARY

NAGPROTESTA ang Philippine Embassy sa Washington, DC, kahapon sa huling episode ng American political drama television series na Madam Secretary, na nagpapakita ng bastos na pag-uugali ng isang kathang-isip na pangulo ng Pilipinas.

Sa trailer ng episode 15 ng Madam Secretary season 3 na nakatakdang ipalabas sa Marso 12, inilarawan sa synopsis ang “Philippines’ unconventional new president” na lumagpas sa limitasyon at binastos ang bidang babae na gumaganap bilang ang kathang-isip na si US Secretary of State Elizabeth McCord.

“This highly negative portrayal of our Head of State not only casts doubt on the respectability of the Office of the Philippine President but also denigrates that way our nation navigates foreign affairs,” reklamo ng embahada sa episode na pinamagatang “Break in Diplomacy”.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“It also tarnishes the Philippines’ longstanding advocacy for women’s rights and gender equality,” pahayag ng embahada.

Lumiham ang Philippine Embassy sa CBS Corporation noong Marso 6, bilang protesta sa karakter at agad hiniling ang “necessary corrective actions in view of the injurious effects that this program will have on the interests of the Philippines and the Filipino people.”

Sa nasabing eksena, ipinakikita si ‘Philippine President Datu Andrada’ (ginagampanan ni Joel de la Fuente) at ang US State Secretary (ginagampanan ni Téa Leoni), na nag-uusap sa isang silid na tila kahawig ng nasa Malacañang.

Noong una ay pinagtawanan lamang ng pinakamataas na diplomat ng Amerika ang pang-aakit sa kanya ng lider ng mahalagang kaalyado sa Asia, ngunit nang hawakan siya nito ay sinuntok niya ang pangulo sa mukha at dumugo ang ilong nito.

“While Madam Secretary is a work of fiction, it tracks and mirrors current events. It is, therefore, inevitable that its depiction of world leaders will have an impact on how its audience views the real personages and the countries they represent,” saad sa pahayag ng embahada.

Wala pang komento ang mga opisyal ng CBS Corporation at mga producer ng show tungkol sa isyu. (ROY C. MABASA)