Nagsasagawa ngayon ang mga lokal na pamahalaan sa Surigao del Norte ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDNA) kasunod ng magnitude 5.9 na lindol sa Surigao City, nitong Linggo ng umaga.
Ayon kay Undersecretary Ricardo Jalad, ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), batay sa mga inisyal na report na nakalap ng ahensiya, nasa 83 bahay ang napinsala sa Surigao City at Sison, dahil sa lindol—lima sa mga ito ang nawasak, habang 78 ang bahagyang napinsala.
Naibalik naman kaagad ang supply ng kuryente sa lalawigan bandang 1:00 ng hapon nitong Linggo.
Ayon kay Jalad, isang tao ang napaulat na nasugatan sa pagguho ng pader ng IFI Chapel sa Barangay Cabunga-an, Cagdiano, Dinagat Islands.
Pinaalalahanan din ni Jalad ang publiko na manatiling nakaalerto at handa sa aftershocks, kasunod na rin ng 3.7 magnitude ang lakas na pagyanig sa bayan ng San Francisco, pasado 5:00 ng umaga kahapon.
Isang matandang babae ang nasawi at 25 iba pa ang nasugatan sa pagyanig nitong Linggo.
Kaugnay nito, sinuspinde kahapon ang mga klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Surigao City dahil sa patuloy na aftershocks. (Francis Wakefield at Mike Crismundo)