FORT DEL PILAR, Baguio City – Kasabay ng selebrasyon ng bansa ng National Women’s Month, walong babae, kabilang ang topnotcher, ang mangunguna sa 167 miyembro ng Sanggalang ay Lakas at Buhay Para sa Kalayaan Ng Inang Bayan (SALAKNIB) Class 2017 ng Philippine Military Academy (PMA) sa graduation rites sa Linggo, Marso 12.
Pinangungunahan ni Cadet First Class Rovi Mairel Martinez, ng Cabanatuan City, Nueva Ecija, ang 167 miyembro ng Sanggalang ay Lakas at Buhay Para sa Kalayaan Ng Inang Bayan (SALAKNIB).
Pito pang babaeng kadete ang pasok sa top ten: sina C1C Eda Glis Buansi, ng Baguio City, sa ikatlong puwesto; C1C Cathleen Jovi Santiano, ng City of San Fernando, Pampanga, sa ikaapat; C1C Shiela Joy Ramiro, ng Bagabag, Nueva Vizcaya, ikalima; C1C Sheila Marie Calonge, ng Manaoag, Pangasinan, ikapito; C1C Joyzy Funchica, ng Butuan City, ikawalo; C1C Resie Jezreel Arrocena, ng Nabunturan, Compostela Valley, ikasiyam; at C1C Catherine Mar Emeterio, ng Zamboanga City, sa ikasampung puwesto.
Dalawang lalaking kadete ang pumasok sa top ten: si Philip Viscaya, ng Ligao City, Albay, ang pumangalawa kay Cadet Martinez, habang panglima naman si C1C Emmanuel Canlas, ng Lubao, Pampanga.
Ang batch ngayong taon ay may 63 babaeng kadete, ang pinakamaraming magtatapos sa isang klase.
Si Cadet Martinez ang ikaapat na babaeng nanguna sa graduating class simula noong 1997. (Rizaldy Comanda)