Tawag ng Tanghalan grand finalists copy

SAMPU sa pinakamagagaling na mang-aawit mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao ang lalaban para sa kani-kanilang pamilya sa pinakahihintay na tagisan sa kantahan sa grand finals ng “Tawag ng Tanghalan” sa It’s Showtime.

Nagsimula “Ang Huling Tapatan” kahapon (Marso 6) at magtatapos sa Sabado (Marso 11) sa Resorts World Manila para kikilalanin ang kauna-unahang “Tawag ng Tanghalan” grand champion.

Araw-araw, isa ang tatanghaling winner mula sa isang set ng maglalaban-labang grand finalists, ngunit ang winner sa Biyernes ay sa Sabado ihahayag. Sa Sabado rin magtutunggali ang limang daily winners na siyang pagpipilian ng mga hurado at madlang pipol na maging grand champion.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Mahigit isang taon nang hinahanap ang mahusay na singers sa bansa sa “Tawag ng Tanghalan” na araw-araw ay sinubaybayan ng mga manonood at mga tagahangang sumusuporta sa kani-kanilang paboritong grand finalist. Naipamalas din ng mga kampeon hindi lang ang kanilang kahusayan sa pagkanta kundi pati na rin ang mga kuwento sa likod ng mga pangarap nila.

Handa nang ipaglaban ng grand finalists mula Quarter 1 ang kanilang puwesto sa tapatan. Nariyan si Maricel Callo na kumakanta sa restaurants at hotels kasama ang kanyang asawa upang buhayin ang kanilang pamilya sa Pagadian. Si Mary Gidget dela Llana naman mula Laguna, iniaalay ang kanyang tagumpay sa single mom na nagsakripisyo para sa kanya.

Pareho namang nabigyan ng pangalawang pagkakataon sa kumpetisyon ang Quarter 2 grand finalists na sina Marielle Montellano, isang voice actress mula Cebu, at Pauline Agupitan, isang estudyante mula Batangas, na parehong naniwala sa second chance kaya naman muling lumaban sa “Tawag ng Tanghalan” nang mabigo sa unang pagsali.

Hindi rin natinag ang kontesera at band vocalist mula Bulacan na si Eumee Capile na kahit ilang beses nang nabigo sa singing contests ay hindi nawawalan ng pag-asa. Unti-unti namang naaabot ng magsasakang si Noven Bellaza mula Negros Occidental ang kanyang mga pangarap para sa kanyang pamilya, matapos maipagawa ang kanilang bahay dahil sa “Tawag ng Tanghalan.”

Mula naman sa kasikatan online, nilabanan ng YouTube sensation ng Batangas na si Sam Mangubat ang hiya at kawalan ng karanasan sa singing competitions upang iparinig ang kanyang boses sa madlang pipol. At sa kabila naman ng kanyang kalagayan, patuloy sa pagbibigay ng inspirasyon si Carlmalone Montecido ng Bacolod upang ipakitang na sinuman ay kayang magtagumpay.

Hindi rin nagpapahuli ang ultimate resbakers ng kumpetisyon: ang music teacher mula Camarines Sur na si Froilan Canlas, na susubukang abutin ang sariling pangarap matapos magturo ng musika at sports para matulungan ang pamilya, at ang saleslady mula Makati na si Rachel Gabreza, na determinadong manalo upang matustusan ang mga pangangailangan ng kapatid na may cancer.

Subok na ang galing at may kanya-kanyang estilo sa pagkanta, ngunit kaninong boses ang mangingibabaw? Kaninong buhay ang mababago?

Subaybayan ang kanilang pakikipagtunggali sa It’s Showtime tuwing tanghali.