MASUSUKAT ang kakayahan ni WBC Asian Boxing Council super featherweight champion Romeo Duno sa pagkasa sa walang talo at knockout artist na Mexican American Christian Gonzalez para sa bakanteng WBC Youth Intercontinental lightweight crown sa Linggo sa Belasco Theatre, Los Angeles, California.

Ito ang unang laban ni Duno sa Amerika, ngunit nakapagsanay siya sa Wildcard Gym ni Hall of Fame trainer Freddie Roach kung saan marami siyang pinahanga sa mga naka-spar na dayuhang boksingero.

Tangan niya ang kartada na 12-1-0, kabilang ang 11 knockout at ang pagkatalo ay sa kontrobersiyal na 8-round hometown decision sa walang talong si Mikhail Alexeev para sa bakanteng WBO Youth super featherweight title noong Mayo 6, 2016 sa Ekaterinburg, Russia.

Mas beterano naman si Gonzalez na may perpektong 16 panalo, 14 sa pamamagitan ng knockout at may tinalo nang Pilipino na si dating Philippine super bantamweight titlist Jhon Gemino via 10-round unanimous decision noong Hunyo 4, 2016 sa StubHub Center, Carson, California.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tiyak na magiging matindi ang bakbakan nina Duno at Gonzalez sa pag-asang ang magwawagi ay maililista sa WBC lightweight ranking na pinaghaharian ngayon ni Jorge Linares ng Venezuela. (Gilbert Espeña)