Sa halip na umaresto ng mga kriminal, isang bagitong pulis ang pinosasan ng kanyang kabaro dahil sa walang habas na pamamaril sa Las Piñas City, nitong Sabado ng gabi.
Nahaharap sa mga kasong indiscriminate firing, grave threats, physical injuries at alarms and scandals si PO1 Arnel Canlas Arguta, nasa hustong gulang at nakatalaga sa Las Piñas City Police Station.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., dakong 7:30 ng gabi inaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) Station 7 si Arguta sa Alabang-Zapote Road, Almanza Uno.
Nakatanggap ng reklamo ang PCP 7 laban kay Arguta dahil sa pag-aamok at pagpapaputok nito ng baril sa nasabing lugar.
Agad rumesponde ang mga pulis sa lugar kung saan naabutan pa nila ang suspek na nagwawala at nadiskubreng may ilang residente na nasugatan sa pagpapahinahon kay Arguta.
Narekober sa suspek ang isang Armscor, caliber .45 na baril, mga bala at isang basyo ng caliber .45. (BELLA GAMOTEA)