Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) na pinaigting pa ng Joint Task Forces Zam ang operasyon nito upang mailigtas ang mag-asawang negosyante na dinukot sa Siocon, Zamboanga del Norte, nitong Biyernes ng gabi.
Sinabi ni Army Captain Jo-Ann D. Petinglay, tagapagsalita ng AFP-WestMinCom, na kaagad na rumesponde ang militar makaraang matanggap ang ulat tungkol sa pagdukot sa mag-asawang Jose Duterte, 60; at Jessica Duterte, 52 anyos.
Sakay sa pumpboat, tinangay ang mag-asawa ng pito hanggang walong hindi nakilalang armado mula sa kanilang bahay sa Barangay Sta. Maria, Siocon, bandang 7:20 ng gabi nitong Marso 3.
“We understand the situation of the families of the victims and we sympathize with them. It is in this light that our troops and the PNP are doing their best to bring the victims back to their family,” sabi ni Major Gen. Carlito G. Galvez, Jr.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin nakukumpirma ng awtoridad kung kaanak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mag-asawang biktima. (Francis T. Wakefield)