NAKOPO ng National University ang No.2 spot matapos igupo ang University of the Philippines, 26-24,25-13,23-25,25-20, kahapon sa pagsasara ng unang round ng UAAP Season 79 men’s volleyball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.

Umiskor ng game-high 21-puntos si Ismail Fauzil, kabilang ang 19 sa atake upang pamunuan ang Bulldogs sa pag-angkin ng ikaanim na tagumpay kontra isang kabiguan kasunod ng reigning back-to-back titlist Ateneo na winalis lahat ng kanilang pitong laro.

Nag-ambag naman sina Bryan Bagunas at James Natividad ng tig-12 puntos at 10-puntos naman si Madzlan Gampong sa panalong nagbaba sa Maroons sa ika-4 na puwesto kapantay ng University of Santo Tomas na may markang 3-4.

Nag-iisa namang nakapagtala ng double digit si John Millete para sa Maroons sa kanyang ipinosteng 20-puntos.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dominado ng Bulldogs ang opensa at depensa partikular ang floor defense para magtala ng 50 hit at 45 dig kumpara sa 33 at 34 lamang ng Maroons.

Nauna rito, bigo ang University of the East na makapagtala ng kahit isang panalo matapos walisin ng Adamson, 27-25,25-17,25-16. Tumapos naman ang Falcons na may dalawang panalo kontra limang talo. (Marivic Awitan)