“Pu…ina niyo! Pu…ina niyo! Labas ang mga matatapang dito!”
Ito ang hamon ng isang biyudo na inaresto ng mga awtoridad dahil sa panggugulo at pag-iingat ng patalim at ilegal na droga sa Sta. Mesa, Maynila kamakalawa.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Revised Ordinance 844 (Breach of Peace), Batas Pambansa Bilang 6 (Concealing Deadly Weapon) at Article II, Section 11 (illegal possession of illegal drugs) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na si Kennedy Carreon, 45, ng 4856 Int. 8, San Vicente Street, Old Sta. Mesa.
Mismong mga opisyal ng Barangay 598, Zone 59, sa pangunguna ni Barangay Tanod Tony Pet Divino, ang naghain ng reklamo laban kay Carreon.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Station 8, nag-ugat ang pag-aresto sa suspek nang makatanggap ng reklamo ang mga barangay officials hinggil sa pagwawala at paghahamon ng away ng suspek sa naturang lugar.
Kaagad namang rumesponde ang mga barangay tanod sa lugar ngunit sa halip na sumuko ay hinamon pa ni Carreon ang mga ito.
“Walang tanod, tanod sa akin!” ayon pa kay Carreon.
Tiniyempuhan naman ni Divino ang pagtalikod sa kanya ng suspek at kaagad itong dinamba na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto. (Mary Ann Santiago)