NOONG Miyerkules, muling ipinaalala ng Simbahang Katoliko na ang tao ay mula sa alabok at sa alabok din babalik ang katawang pisikal. Tayo ay nilikha ng Diyos, isang pambihirang nilikha na may kaluluwa na kakaiba sa ibang mga hayop o halaman. Ayon sa Bibliya, ang tao ay nilikha na kawangis ng Diyos kaya ang tao ay marunong ding lumikha at umimbento bagamat ang kanyang katalinuhan sa paglikha ay hindi maitutulad sa Maykapal kahit na siya ay dalubhasa sa siyensiya at modernong teknolohiya.
Ang Ash Wednesday na kung tatagalugin ko nang literal ay Miyerkules ng Abo (o Miercoles de Ceniza sa Kastila) ay simula ng Mahal na Araw (Lenten Season) o ng 40 araw ng Kuwaresma. Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle ang Ash Wednesday. Sa kanyang pastoral letter, hiniling niya sa mga mananampalataya na makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aayuno at pagliban sa pagkain ng karne. Dahil ako ay Junior citizen, este senior citizen pala, exempted ako sa fast and abstinence.
Inaamuki ng Cardinal ang mga mananampalataya na mag-ayuno ngayong Lenten Season at i-donate ang pera na kanilang naipon upang ipambili ng pagkain ng mahihirap at nagugutom. Sabi ni Tagle: “Kailangan lang ang P1,200 sa anim na buwan o P10 bawat araw upang ang isang undernourished na bata ay maging malusog.” Siya ang nasa likod ng Hapag-Asa Program na ang layunin ay makalikom ng pondo para mapakain ang may 20,000 na nasa “laylayan ng lipunan”. May 1.6 milyong undernourished children ang napakain na nito mula nang ilunsad noong 2015.
Tulad ng paghingi ng apology ni President Rodrigo Roa Duterte sa Canada nang pugutan ang dalawang Canadian national na bihag ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) noong 2016, muling humingi ng apology ang Pangulo sa Germany sa pagkabigong mailigtas ang German na si Gustav Kantner dahil hindi nabigay ang P30 milyong ransom na hinihingi ng tulisang grupo.
Sinabi ng Presidente na sinikap ng gobyerno ng Pilipinas at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na iligtas si Kantner. Gayunman, sa kabila ng inilunsad ng military operation, bigo ring maisalba ang Aleman na matagal nang bihag ng ASG. Sabi ni Pres. Rody sa Germany: “I am very sorry that the hostage, a national of your country, has been beheaded. I sympathize with the family. I commiserate with the German people.” Hinahamon ka ng ASG, Mr. President.
Nagtataka ang mga mamamayan kung bakit hanggang ngayon ay hindi mapulbos ng gobyerno ang ASG na ayon sa tantiya nila ay may 300-400 armadong tauhan lamang kung ikukumpara sa 150,000 kasapi ng AFP.
Sa kabila ng pagdedeklara ng all-out war ni PDu30 sa ASG, patuloy ito sa tiwaling gawaing kumidnap ng mga dayuhan at lokal na mamamayan upang hingan ng ransom. Sapantaha ng mga analyst... na kaya hindi masugpo ang ransom-for-kidnap activities ng tulisang grupo, ginagamit nila ang multi-milyong dolyar o pisong ransom sa pagkakaloob ng bahagi nito sa mga mamamayan sa sityo at barangay na kanilang ginagalawan. Dahil ang mga residente na pawang Muslim din ay nakababahagi ng ransom money, binibigyan nila ng proteksiyon at hindi isinusumbong sa awtoridad ang ASG. Kapag may mga sundalo o pulis na nag-ooperate, agad nilang iniimpormahan ang mga tulisan.
Mananatili pa rin sa kulungan si Sen. Leila de Lima nang hindi mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court sa kanyang kahilingan na pigilin ang pagdakip sa kanya at maging ang pagdinig ng hukuman sa drug cases.
Ipinasiya ng SC na magtakda ng oral arguments sa Marso 14 upang dinggin ang lahat ng panig bago magdesisyon sa petisyon ni De Lima. (Bert de Guzman)