SA pagsisimula ng kanyang administrasyon, nagpahayag ng pagtutol si Pangulong Duterte sa Paris Agreement on Climate Change na nilagdaan ng nasa 190 bansa, kabilang ang Pilipinas, sa United Nations noong 2015. Ayon sa Pangulo, mapipigilan nito ang paglago ng mga industriya sa bansa. Itinuturing niya ito bilang pagdidikta ng mauunlad na bansa, partikular ang Amerika at China, na naging maunlad dahil sa mga industriyang nagdulot ng polusyon sa atmospera ng mundo at nais ngayong harangan ang ibang mga bansa na nais maging kasing unlad nila.
Ilang opisyal ang kaagad na kumilos upang kumbinsihin ang Pangulo na ang Paris Agreement ang pinakamainam para sa Pilipinas, dahil ang ating bansa ay kabilang sa mga pinakalantad sa masamang epekto ng climate change, partikular na sa pagtaas ng dagat na magpapalubog sa mabababaw na isla sa iba’t ibang panig ng mundo. Sinabi ni Gina Lopez, ang bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, sa Pangulo na makikinabang ang Pilipinas sa $100-billion pondo na kakalapin ng Paris Agreement, sa pamamagitan ng mayayamang bansa, upang matulungan ang mga bansang gaya ng Pilipinas.
Nitong Miyerkules, nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang Instrument of Accession to the Paris Climate Change Treaty.
Didiretso na ito sa Senado para ratipikahan. Kapag napagtibay na, sinabi ni Senator Loren Legarda, pinuno ng Senate Committee on Climate Change, na pormal nang magiging bahagi ang Pilipinas ng pandaigdigang pagsisikap upang limitahan ang pagtaas ng temperatura sa mundo sa mas mababa sa 2 degrees Celsius above pre-industrial levels.
Nauna nang nagsumite ang bawat bansa ang kani-kanilang plano upang maisakatuparan ang pangkalahatang layunin. Ang Pilipinas, sa Intended Nationally Determined Contribution nito na isinumite noong unang bahagi ng Oktubre 2015, ay nagpahayag na magpapatupad ng mga hakbangin upang mabawasan ng 70 porsiyento ang emissions ng bansa pagsapit ng 2030, sa pamamagitan ng paggamit ng renewable energy, gaya ng hangin, sikat ng araw, tubig, alon, geothermal at biomass.
Isasagawa ngayon ng Pilipinas ang isang komprehensibong pagsusuri sa commitment na ito, upang matukoy ang kakayahan ng bansa na ipatupad ito. Upang ayudahan ang bansa sa pagsisikap na ito, magkakaroon ng access sa Green Climate Fund ng Paris Agreement, ayon kay Senator Legarda.
Kabilang ang Pilipinas sa mga nangunang bansa sa kumperensiya sa Paris, parehong bilang isang islang bansa na labis na magdurusa kung hindi makokontrol ang epekto ng climate change, at bilang namumuno sa kampanya na limitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa 1.5 degrees—hindi lamang 2 degrees, gaya ng unang naaprubahan. Ngayong pirmado na ni Pangulong Duterte, sa kabila ng pag-aalinlangan niya noong una, ang Instrument of Accession, kikilos na ang Senado upang ratipikahan ang tratado, at babalik na ang ating tungkulin bilang isa sa mga pangunahing bansa sa mundo na nagpupursigeng isalba ang kaisa-isa nating planetang Earth.