Makalipas ang tatlong taong pagtatago, tuluyan nang nadakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan Police ang 17-anyos na lalaki na No. 10 most wanted dahil sa iba’t ibang kasong kinasasangkutan.
Ayon kay Police Sr. Supt. Chito Besaluna, hepe ng Caloocan Police, agad idiniretso ang suspek sa Yakap Bata Holding Center.
Aniya, bandang 1:00 ng hapon inaresto ang suspek sa kanilang bahay sa Libis Baesa, Calooocan City sa bisa ng warrant of arrest ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 124.
Sa record ng pulisya, sangkot sa serye ng holdapan at nakawan ang suspek at sa edad na 14, naharap na ito sa kasong pagnanakaw at tuluyang nagtago sa batas.
Tumataginting na P100,000 ang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng binatilyo. (Orly L. Barcala)