Ang extrajudicial killing, partikular ang mga konektado sa kampanya ng gobyerno kontra sa ilegal na droga, ang nananatiling pangunahing problema sa karapatang pantao sa Pilipinas, ayon sa isang bagong ulat na inilabas ng US State Department nitong weekend.

Batay sa 2016 Human Rights Practices report, simula Hulyo ng nakalipas na taon mahigit 6,000 suspek sa droga na ang napatay ng mga pulis at hindi kilalang mga vigilante sa pagsusulong ng gobyerno sa polisiyang burahin ang ilegal na droga sa bansa.

Binanggit din sa ulat na tumataas ang pagkabahala sa kawalan ng pananagutan ng pulisya dahil iilang kasong administratibo o kriminal lamang ang naihain laban sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng matinding pagtaas sa bilang ng mga napapatay ng pulisya na mga pinaghihinalanag nagtutulak ng droga.

“The PNP came under criticism from domestic and international human rights groups for its role in Operation Double Barrel,” punto sa ulat.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Government mechanisms to investigate and punish abuse and corruption in the security forces remained largely ineffective,” dagdag dito.

Malaki rin ang problema sa tahasang pagbalewala ng gobyerno sa mga kaso ng human rights at due process; at ang mahinang criminal justice system dahil sa mabagal na pagtalakay ng korte sa mga kaso, mahinang prosekusyon at matamlay na kooperasyon ng pulisya at mga imbestigador.

Ang iba pang problema sa human rights sa bansa ay kinabibilangan ng: pangungurakot at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga opisyal; pagpapahirap at pang-aabuso sa mga preso at detainee ng security forces; pananakot ng security force sa mga aktibista; warrantless arrest; mahabang pretrial detention; siksikang kulungan; pamamaslang at pananakot sa mga mamamahayag; kakulangan ng matutuluyan ng internally displaced persons (IDPs); karahasan laban sa kababaihan; pang-aabuso at pananamantalang sekswal sa mga bata; trafficking in persons; limitadong pasilidad para sa mga may kapansanan; kakulangan ng full integration ng mga katutubo sa political at economic structures; kawalan ng batas at polisiya para protektahan ang mga tao laban sa diskriminasyon batay sa sexual orientation at gender identity; child labor; at palpak na pagpapatupad sa worker rights

Kontra man sa ilang nakasaad sa ulat, sang-ayon naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa puntong mahina ang judicial system sa bansa.

“There should be no discord, however, on one passage in the report, which is true and incontrovertible: on our nation being plagued by ‘a weak and overburdened criminal justice system notable for slow court procedures, weak prosecutions, and poor cooperation between police and investigators’,” ani Recto. (ROY C. MABASA at LEONEL ABASOLA)