Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ang isang 58-anyos na vendor matapos nitong barilin ang nakababata niyang kapatid sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Jessie Setosta, ng 2418 J. Posadas Street, Punta, Sta. Ana, Maynila na nagtangkang pumatay kay Rogelio Setosta, 56, vendor, ng 2415 J. Posadas St., Punta, Sta. Ana.
Sa ulat ni Police Supt. Jerry Corpuz, station commander ng Manila Police District (MPD) Station 6, dakong 9:30 ng gabi nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng suspek.
Una rito, nag-uusap umano ang magkapatid na Setosta na nauwi ito sa mainitang pagtatalo nang maungkat ang matagal na nilang alitan.
Dito na umano bumunot ng .38 revolver ang suspek at makailang beses nagpaputok paitaas bago itinutok ang baril sa biktima.
Nagawa namang dumepensa ng biktima at pilit na tinabig ang baril ngunit naputukan pa rin siya sa kamay.
Mabilis namang tumakas ang suspek habang nagtungo sa Sta. Ana Hospital ang biktima. (Mary Ann Santiago)