Arjo copy

GAGAWA ba ng TV commercial ng sabong panlaba si Arjo Atayde? Viral kasi ngayon ang video niyang sumasayaw ng #TideMasMabangoChallenge na kapag nababanggit ang word na mabango ay kinikilig siya. Ang intindi namin ay gagayahin ang dance steps niya.

Ang caption sa post ng aktor, “We are inviting you to do the challenge of #TideMasMabangoChallenge video. Just follow the dance steps sa video na ito and show your mas mabango emote tuwing nababangit ang mas mabango sa kanta. Upload your video and wag kalimutan ilagay ang #TideMasMabangoChallenge! Download the Tide Song here:https://tinyurl.com/zlxkd69.”

Nakita namin si Arjo sa burol ni Tita Angge o Cornelia Lee, manager ng kanyang Mommy Sylvia Sanchez nitong Sabado ng gabi at tinanong kung gagawa siya ng TVC ng Tide, pero ngumiti lang at gayahin daw namin ang sayaw niya.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Inalam din namin kay Ibyang kung para saan itong sinasayaw ng anak. 

“Sa totoo lang, Reggs wala rin akong alam, tinatawagan ko nga si Nenet (handler ng aktor) hindi naman ako sinasagot. Basta ‘pag may alam ako, balitaan kita,” sabi ni Ibyang na abala sa mga kausap na nakikiramay kay Tita Angge.

Maaaliw kami kung may Tide TVC nga si Arjo, dahil sabong panlaba talaga ang gagawin niya? Mali yata ang naisip kasi namin noon na kung sakaling may offer siya para gumawa ng commercials ay mga panlalaking produkto o kaya’y pagkain dahil mahilig siyang kumain. 

Itatanong pa sana namin kay Arjo kung totoong extended ang FPJ’s Ang Probinsyano na napabalita last year na ngayong Marso na magtatapos, pero bigla nang nagpaalam ang aktor dahil may lakad pa raw siya.

Anyway, habang nasa ABS-CBN naman kami last weekend, may nakausap kami na nagbanggit sa amin na may retired actor na gustung-gustong mag-guest sa Ang Probinsyano dahil natutuwa raw itong mapanood ang mga artistang nakasama niya noong kainitan niya sa paggawa ng action films.

Sabagay, nandoon na sina Jeric Raval, Sonny Parsons, at iba pang nakilala ring action stars.

Sabi pala ng taga-Dos, “On the works po, inaayos lang schedule (ng aktor).” (REGGEE BONOAN)