PALAYAN CITY - Dalawang binatilyo ang nasawi at sugatan naman ang isa pang binatilyong kasama nila makaraang sumalpok sa dump truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Nueva Ecija-Aurora Road sa Palayan City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Chief Insp. Arnel Santiago, hepe ng Palayan City Police, nakilala ang mga nasawi na sina Jeford Fernandez Blanker, 14; at Ivan Lacandula Alberto, 13; habang sugatan naman ang 14-anyos na lalaking kasama nila, pawang estudyante at residente sa Barangay Marcos Village sa Palayan City.
Nabatid sa imbestigasyon na dakong 3:00 ng hapon nitong Marso 3 nang mawalan ng preno ang motorsiklo hanggang sa sumalpok sa papatawid na truck.
Tinutugis naman ng pulisya ang hindi nakilalang driver ng truck, na tinakbuhan ang mga binatilyong naaksidente.
(Light A. Nolasco)