CAUAYAN CITY, Isabela – Nasa 112 katao, kabilang ang tatlong menor de edad, ang na-rescue makaraang mabiktima umano ng human trafficking sa Barangay Alicaocao sa Cauayan City, Isabela.
Ang mga biktima ay pawang sakada, o trabahador sa tubuhan, mula sa Saranggani, Negros Oriental, General Santos City at ilang lalawigan sa Bicol Region.
Marso 3 ng gabi nang salakayin ng mga operatiba ng Department of Justice (DoJ)-Region 2, Department of Social Welfare and Development, at ni Supt. Manuel Bringas, vice chairman ng Isabela Police Provincial Office-Anti-Trafficking Task Group, ang ECO Fuel sugarcane plantation at iniligtas ang nasabing bilang ng mga manggagawa.
Bandang 6:30 ng gabi nang araw ding iyon nang sumugod sa Bgy. Alicaocao ang isang Jun Gammad, human resource manager ng plantasyon, at nakipagtalo sa mga kinatawan ng DoJ kaugnay ng rescue operation habang ipinaliliwanag sa kanya ng kagawaran ang mga naging paglabag ng kumpanya.
“Nai-rescue ang mga ito nang makatakas ang iba nilang kasama at makauwi sa Saranggani at agad na nakipag-ugnayan at isinumbong ang hindi makataong pagtrato sa mga worker,” ani Supt. Bringas.
“Nagkaroon ang iba ng problema sa pagbili ng pagkain, nagkasakit na walang mag-asikasong doktor at ang pangakong P280 na sahod per day ay hindi rin natupad, at walang maayos na lugar na matulugan,” dagdag pa. (Liezle Basa Iñigo)