Aabot sa P200,000 halaga ng hinihinalang ilegal na droga ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) habang 19 na katao ang inaresto sa ikinasang raid sa hinihinalang drug den sa Quezon City nitong Biyernes.

Dakong 1:30 ng hapon, pinasok ng PDEA-NCR ang isang bahay na naiulat na ginagawang drug den sa kahabaan ng Mayor Diaz Street, Barangay San Martin de Porres, Cubao, Quezon City.

Matagumpay na naisagawa ang operasyon sa pamamagitan ng search warrant na inisyu ng Quezon City court laban kina Jasmine Sandico at Edwin Vicente, alyas “Bingo,” na kapwa kabilang sa watch list ng PDEA-NCR.

Sina Sandico at Vicente, ayon sa ahensiya, ay hinihinalang miyembro ng Bethsaida Drug Group na nambibiktima sa Quezon City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakumpiska ng awtoridad ang 25 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, at mga drug paraphernalia.

Ayon sa anti-drug agency, ang nasabing kontrabando ay may bigat na mahigit 50 gramo na nagkakahalaga ng P200,000.

Isa-isa namang dinampot sina Gene Rey, Alfredo Punongbayan Jr., Roderico Polintan, Jordan Simbulan, Al Steven Simbulan, Joshua Samson, Ryan Villaluman, Alfredo Alut Ernesto Carduna, Joel Jabol, Victorio Raquina, Cloyd Uycajote, Ramon Gomba, Joana Marie Buna, Nicole Buna, Nerrisa Jabol, at Jeanete Cajote na pinaniniwalaang empleyado at customer ng drug den.

Nasagip naman ang tatlong menor de edad sa nasabing operasyon at nakatakdang i-turn over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at JUN FABON)