Ni ADOR SALUTA

Mayor Lani Mercado
Mayor Lani Mercado
SA panayam kay Bacoor City Mayor Lani Mercado sa birthday ng kanyang bayaw na si Cavite Cong. Strike Revilla sa Strike Gymnasium last Tuesday, naitanong ang tungkol sa pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame na kinapipiitan din ng kanyang esposo na si ex-Sen. Bong Revilla .

Ayon kay Lani, never pang nagkita o nagkasalubong si Bong at si Sen. De Lima sa loob ng PNP Custodial Center.

Inaresto si De Lima at na-detain sa Crame last February 24 dahil sa kasong may kinalaman diumano sa illegal drug trade. Si Bong naman ay ikinulong noong June 20, 2014 dahil sa kasong plunder.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kuwento ni Lani, nabalitaan niya ang pagpapadala ng chocolates ni Bong kay Sen. Leila kamakailan. Ito’y sa katotohanang si Senadora De Lima ang Department of Justice (DOJ) secretary noong ikulong si Bong sa pagkakadawit nito sa PDAF o pork barrel scam. Hindi raw ang kanyang asawa ang personal na nagdala ng ‘peace offering’. Ni hindi pa raw sumisilip si Bong sa selda ng bagong inmate.

“Ang alam ko, hindi pa siya handa, ‘yun ang pagkakasabi sa amin,” sabi ni Lani. “All I can say, Senator Bong sent her chocolates with a note. Mabait ang asawa ko. ‘Yun lang ang masasabi ko. He has a good heart.”

Hindi na inalam ni Lani kung ano ang mensaheng nakasaad sa note na ipinadala ng kanyang mister sa senadora. Pakiwari ni Lani, isang mensahe sa senadora na kumapit lang ito sa Diyos sa gitna ng pinagdadaanan nitong pagsubok ngayon.

Parehong ipinagdarasal nina Bong at Lani ang detained senator.

“I’m really praying for her,” sey ni Lani.

Sa kabila nito, may namba-bash din kay Mayor Lani na ipokrita raw siya dahil sa kawalan niya ng poot kay De Lima sa kabila ng lahat.

“Nakita ko may nag-comment na hypocrite daw ako. Hindi po. I’m really praying for her kasi she’s alone in her section. At least, si Senator Bong at si Senator Jinggoy (Estrada), magkasama. She’s alone. I don’t know if she has family. I don’t know if she has children. I know her partner is not with her. So, I’m really praying for her,” maingat na bitaw ni Lani.

“Kasi sa side naming pamilya, buo ang family support, very strong. Ako, nandito bilang asawa, nandiyan ang mga anak namin, ang apo namin, pati ang mga kapatid. So, at this point in time, at her lowest moment, kailangan talaga ng family support and friends around her. ‘Yun ang kailangan.”

Nakagawian na ng mga Revilla na magkaroon ng prayer meeting sa PNP Custodial Center tuwing Sunday na dinadaluhan ng buong pamilya. Welcome ang lahat sa prayer service, posible kayang imbitahan ng mga Revilla si De Lima?

“Walang problema para sa amin. She’s welcome. Anybody is welcome to visit Bong in Crame. It’s almost in one area. Sabi ko nga nu’ng speech ko nu’ng Monday, nothing is impossible with God,” seryosong pahayag ni Lani.

“Malay mo, bakit siya do’n dinala? It might be an opportunity na magkaroon ng friendship ang mga tao na nandoon, at hindi imposible ‘yun. Hindi ko nakitaan ng maling kaganapan do’n kung mangyayari mang gano’n,” pagtatapos ng aktres/pulitiko.