Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Nagbanta kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte na may iba pang personalidad na itinalaga niya sa gobyerno ang sisibakin niya sa puwesto sa mga susunod na araw dahil sa posibilidad na sangkot ang mga ito sa kurapsiyon.

“In the coming days I’m going to fire additional people who I have appointed in government. Marami ‘yan,” ani Duterte.

Gayunman, inamin niyang hindi pa niya nakukumpirma kung paanong nadawit sa kurapsiyon ang mga ito.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Noong nakaraang linggo, nagbitiw sa puwesto si National Irrigation Administration (NIA) Chief Peter Laviña kasabay ng mariing pagtanggi sa mga alegasyong may kinalaman sa kurapsiyon.

Disyembre 2016 naman nang sibakin ng Pangulo ang dalawa niyang fraternity brothers bilang mga deputy commissioner ng Bureau of Immigration (BI) matapos masangkot sa P50-milyon bribery scam.

AN’YARE SA PLUNDER, RAPE?

Ito ang naging pahayag ni Duterte matapos niyang kuwestiyunin ang pagkakatanggal ng Kamara sa mga plunder at rape sa listahan ng mga krimen na tatapatan ng parusang kamatayan, sa pagpupursigeng maipasa ang death penalty bill.

Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na nais niyang malaman ang katwiran ng Kamara sa pagtatanggal ng mga ito sa plunder mula sa kontrobersiyal na panukala.

“Hindi consistent ‘yung pagtanggal sa plunder (sa kampanya ng gobyerno kontra kurapsiyon),” aniya. “I said I’d stop corruption but I didn’t say that I’m going to kill the plunderer. What was in my mind was corruption will stop.”

Lilinawin din ng Presidente kung bakit natanggal sa listahan ang rape, na isa sa pinakakahindik-hindik na krimen.

“That’s a gross violation of the dignity of a woman. Ewan ko bakit they took it out. I just heard it kanina,” sabi ni Duterte.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na ipinauubaya na niya sa Kongreso ang pagpapasa sa panukala.

Pumasa ang death penalty bill sa ikalawang pagbasa nitong Miyerkules at itinakda sa Martes ang ikatlo at huling pagbasa rito.